Donaire mas piniling lumaban sa superflyweight

MANILA, Philippines - Sa pagitan ng pagkampanya sa flyweight at super flyweight division, mas pinipili ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ang paglaban sa huli.

Inamin kahapon ni Donaire, ang bagong World Boxing Association (WBA) interim super flyweight champion, na nahihirapan na siyang kunin ang 115 pounds sa flyweight class kung saan niya hawak ang mga korona ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO).

“Mas gusto ko talaga sa 118, kasi sa 115, medyo lumaki na rin ang muscles ko kaya mahihirapan akong mag-reduce,” ani Donaire sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila. “Sa 118, parang tamang-tama lang ang reduce ko. Hindi ako gaanong malaki, hindi ako gaanong maliit. Mas kumportable ako dito (118).”

Sa kabila ng pagtimbang ni Rafael “El Torito” Concepcion ng Panama bilang featherweight sa kanilang laban noong Linggo sa Las Vegas, Nevada, umiskor pa rin si Donaire ng isang unanimous decision para kunin ang WBA interim super flyweight belt.

Kabilang sa mga sinasabing susunod na makakaharap ni Donaire, may 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, ay sina Mexican Jorge Arce at Japanese Nobuo Nashiro.

“Sabi ng Top Rank willing naman si Nobuo Nashiro na labanan ako. Pero magaling din si Arce at may pangalan. Iyon talaga ang parang big fight para sa akin,” ani Donaire kay Arce. “If that happens, I will be really happy to fight him.”

Ang 30-anyos na si Arce (52-5-1, 40 KOs) ang may hawak sa IBF interim super flyweight title, habang ang 33-anyos na si Vic Darchinyan (32-2-1, 26 KOs) ang may suot ng WBA at World Boxing Council (WBC) super flyweight belts.

Nasa kamay naman ng 27-anyos na si Nashiro (13-1-0, 8 KOs) ang WBA Super flyweight crown na kanyang idedepensa kay Hugo Fidel Cazares sa Setyembre 30 sa Osaka, Japan.

Sa kanyang pamamahinga matapos talunin si Concepcion, sumali si Donaire sa Celebrity Duets ng Channel 7 kung saan ang kanyang mapapanalunan ay ibibigay niya sa mga batang kapus-palad. (Russell Cadayona)


Show comments