Ano ang magiging kapalaran ni Aguilar?

MANILA, Philippines - Ano ang magiging kapalaran ni Japeth Aguilar, ang top rookie draft pick sa Annual PBA draft ng Burger King?

Inaasahang magkakaroon ng kasagutan ito anumang araw dahil dumating na kahapon sa bansa ang manlalaro na inaasahang magpapasiklab sa Philippine Basketball Association (PBA).

Nabinbin ang kapalaran ng 6-foot-10 na si Aguilar, anak na dating PBA player na si Peter, unang sumikat sa paglalaro sa Ateneo bago hinulma ang kanyang talento sa Amerika, dahil kinailangan nitong magsilbi para sa bansa sa paglalaro sa Powerade Pilipinas team na kumampanya sa katatapos lamang na FIBA-Asia Cup sa Tianjin, China

Bagamat ‘di pa nakakalaro sa PBA, isinama ni coach Yeng Guiao si Aguilar sa line-up dahil sa kanyang husay sa paglalaro na naging malaking tulong sa kampanya ng bansa sa Tianjin tourney.

Gayunpaman, eight place lamang ang tinapos ng RP Team na kahapon lamang dumating.

Na-draft bilang no. 1 pick si Aguilar ngunit hindi ito nakapirma ng kontrata nang tumulak agad patungong China ang team.

Habang nasa China, sinabi naman ni Guiao, tumatayong coach din ng Burger King na sa angking talento ni Aguilar ay may kalalagyan ito.

Tulad ng third pick na si Rico Maierhofer ng Purefoods, ang fourth pick na si Chris Ross na nakuha ng Coca-Cola mula sa Burger King at ang fifth pick na si Jervy Cruz ng Rain Or Shine, inaasahang makakatanggap si Aguilar ng maximum salary para sa isang rookie.

Ngunit ang tanong ay kung sa Burger King na ito titigil o sa ibang team ito maglalaro para sa 2009-2010 season ng Philippine Basketball Association.

May umuugong na balitang pinupuntirya ng Talk N Text si Aguilar at di malayong magkaroon ng negosasyon ang Burger King at ang Tropang Texters. (Carmela Balbuena)

Show comments