MANILA, Philippines - Dati ng mahigpit na magkaribal, muling ibabalik ng three-peat champion San Beda at multi-titled Letran ito sa pagtitipan ng dalawang pinakamara-ming titulong team sa liga sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Inaasahang sasandalan ng Lions ang bangis ng kanilang three-game winning streak upang makahabol sa mga nangungunang Jose Rizal University at San Sebastian sa unahan.
Ang Bombers at Stags ay kapwa wala pang talo at nagbibitbit ng 5-0 baraha kasunod ang Bedans na may 4-1 para sa solong ikatlong puwesto.
At ang momentum na ito ang panghahawakan ni San Beda coach Frankie Lim laban sa pinakamatitinik nilang kalaban.
Samantala, sisikapin naman ng St. Benilde na makabangon at maipagpatuloy ang kampanya sa Final Four sa kanilang pakikipagharap sa Perpetual Help sa alas-4 ng hapon. (Sarie Nerine Francisco)