Coca-Cola nabuhayan ng pag-asa

MANILA, Philippines – Dinibdib ng Coca-Cola ang kabiguan sa Barangay Ginebra kamakailan at maghiganti sa San Miguel Beer, 105-98 kagabi sa Araneta Coliseum upang isiguro ang team ng playoff sa knockout pairings ng Motolite PBA Fiesta Conference wildcard round.

Nag-init si Ronjay Buenafe ay naglista ng career-high 8 triples at kabuuang 30 puntos na si-nuportahan ng 29 puntos at 14 rebounds ni Asi Taulava habang nakibahagi din si James Penny ng 24 puntos at 10 rebounds nang makaganti ang Tigers sa Beermen sa pagsasara ng kanilang classification round na may 6 na panalo at 8 talo.

Awtomatiko silang makakatapos na pang-No. 8 kung matatalo ang Alaska Milk sa Barangay Ginebra na kasalukuyang nilalaro ang krusiyal na laban habang sinusulat ang balitang ito.

Maiipuwersa ng Aces ang playoff sa Tigers sa Linggo kapag tinalo nila ang Kings.

“We’re happy with the win that kept the door open for an automatic No. 8 finish for us,” pahayag ni Coca-Cola coach Kenneth Duremdes.

“We’re just taking a shower, eat somewhere then watch the game rooting for Ginebra,” anaman ni Taulava.

Magiting na nakipaglaban ang Tigers para mai-paghiganti ang 3-point na pagmamasaker sa kanila ng Kings noong Miyerkules, at makaganti rin sa 91-106 kabiguan sa Beermen noong maglaban sila.

Nalasap naman ng Beermen ang kanilang unang kabiguan sa huling tatlong laro at tapusin ang classification na may 11-3 baraha.

Bagamat may tatlong talo sa kanilang huling anim na laban, matayog pa rin ang tinapos ng Beermen sa pre-playoffs play. Hawak ang awtomatikong semis seat, magpapahinga ng tatlong linggo ang San Miguel bago sumabak muli sa aksiyon ng season-ending tournament.

Binanderahan ni Chris Williams, na nasa ikalawang laro pa lamang sa local pro league, ang Beermen sa kanyang inilistang 24 puntos, 11 rebounds sa loob ng 37 minutong paglalaro.

Mainit naman ang naging laro ni Taulava sa kanyang paglalarong may misyon makaraan ang kabiguan noong Miyerkules.

“After that embarrassing Wednesday game, I told myself I have to motivate the team,” ani Taulava.

Dinomina ng 6-foot-10 na higante ang paint side sa kanyang 12-of-21 mula sa field na malaking pagbabago sa kanyang 12-point showing noong Miyerkules.

At kung kumana sa loob si Taulava, nag-init naman sa labas si Buenafe nang tumirada ito ng 8-of-11 sa rainbow country.


Show comments