Maituturing na “lucky survivor” ito’ng si Egay Billones sa PBA. Bagamat para siyang niyoyoyo ng Air 21, tuwing magbabalik siya sa poder ng Express ay pinakikinabangan naman siya nang husto.
Hindi nga lang mawari ng ilang PBA followers kung bakit palagi siyang pinakakawalan ng Express.
Sa tutoo lang ito namang Air21 ang sumalba sa career ni Billones.
Para kasing malabo na noon na makapanhik sa PBA si Billones matapos na hindi siya makipagkasundo sa Barangay Ginebra na siyang pumili sa kanya sa Draft.
Habang hinihintay na maayos ang gusot ay patuloy munang naglaro si Billones sa Philippine Basketball League (PBL).
At dahil dinedma na siya ng Barangay Ginebra na may hawak sa kanyang rights ay hindi naman siya makuha ng ibang PBA ballclubs.
Nang pumanhik ang Air21 sa PBA noong 2002 sa pamamagitan ng pagbili ng prangkisa ng Tanduay Rhum ay napayagan na rin si Billones na maglaro para sa Express. Siya ang naging chief reliever ng starting point guard na si Wynne Arboleda.
Pero matapos ang dalawa’t kalahating seasons ay ipinamigay ng Air21 si Billones sa Purefoods. Actually, parang “afterthought” na lang sa Air 21 ang pagkakapamigay kay Billones dahil sa ang talagang inilipat ng Express ay si Marc Pingris. Isinama na lamang sa deal si Billones.
Swerte namang naging bahagi si Billones ng Purefoods team na nagkampeon sa Philippine Cup.
Pero sa pagtatapos ng 2006 season ay hindi ni-renew ng Purefoods ang kontrata ni Billones at nagbalik siya sa Air21.
Isang conference lamang ang itinagal ni Billones sa Express noong nakaraang season bago kinuha siya ng Talk N Text para sa 2006-07 Fiesta Conference dahil sa nagpahiram ng tatlong superstars ang Phone Pals sa National team.
Muli ay natikman ni Billones ang paglalaro sa Finals subalit sumegunda lang ang Phone Pals sa Alaska sa Fiesta Conference.
Tumagal pa ng isang conference si Billones sa Phone Pals bago inilaglag nang halinhan ni Vincent “Chot” Reyes si Derick Pumaren. At nang magsimula ang kasalukuyang Fiesta Conference ay wala ngang team si Egay.
Pero dahil may “vacancy” ulit sa Air 21, hayun at nagbalik siya sa poder ng Express. Muli ay nagpapakitang gilas si Billones at kamakailan lang ay nagtala nga siya ng career-high 23 puntos upang tulungan ang kanyang team na magwagi kontra Red Bull, 119-109.
Ang tanong nga lang ng ilang sumusubabay sa career ni Billones ay: “Bakit sa tuwing lilipat si Billones ng team, ang kanyang nililipatan ay umaabot sa Finals?”
Sana daw, ‘yung swerte ni Billones na nagiging finalists kapag sa ibang team siya naglalaro ay mapunta naman sa Air 21!
Malay naman natin.