2 mabibigat na laban ang kailangang lagpasan ni Concepcion

Dalawang mabibigat na laban pa ang kailangang malagpasan ni Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion bago mapalaban sa isang world championship fight.

Ito ang inihayag ni Filipino manager/promoter Aljoe Jaro matapos umiskor ang 20-anyos na si Concepcion ng isang unanimous decision kay Mexican Juan Ruiz noong Pebrero 9 sa Mexico City.

“Siguro one to two fights more bago kami mag-isip ng isang world championship fight para kay Abe,” wika ni Jaro sa tubong Vigan, Catanduanes na kasalukuyang hari sa North American Boxing Federation (NABF).

Isa sa mga tinatarget ng kampo nina Concepcion at ni Jaro ay si World Boxing Organization (WBO) super bantamweight titlist Daniel Ponce De Leon.

“Maganda sana kung matutuloy, pero kung hindi naman willing kaming maghintay ng aming panahon,” sambit ni Jaro kay Concepcion, kasalukuyang sumasakay sa isang 16-fight winning streak sapul nang matalo kay Mark Sales noong Marso 5 ng 2005 sa Taguig City.

Ang 27-anyos na si Ponce De Leon ang siyang umiskor ng isang kontrobersyal na unanimous decision sa 35-anyos na si Gerry Peñalosa noong Marso 17 sa Las Vegas at nagpatulog sa 21-anyos na si Rey “Boom Boom” Bautista sa first round noong Agosto 11 sa Sacramento.

Maliban kay Concepcion, nagdadala ng 24-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, isa rin si Peñalosa sa tumatarget kay Ponce De Leon.

Nakatakdang idepensa ni Peñalosa ang kanyang suot na WBO bantamweight crown laban kay Thai challenger Ratanachai Sor Vorapin sa Abril 6 sa Araneta Coliseum. (Russell Cadayona)

Show comments