CHICAGO, Illinois -- Sisimulan na nina Doha Asian Games bronze medalist at lightweight Genebert Basadre, light-welterweight Delfin Boholst at welterweight Wilfredo Lopez ang kanilang kampanya sa International Amateur Boxing Association World Boxing Championships.
Nakapag-ensayo ang RP-PLDT-Smart boxing team ng isang oras sa University of Illinois-Chicago Physical Education building nitong Lunes ng hapon at sinabi ng tatlong Pinoy pugs na handa na silang humarap sa mabigat na hamon.
Ang general weigh-in at draws ay gaganapin ng Martes ng umaga sa Palmer House Hilton.
‘‘Lalabanan ko kahit na sino,’’ wika ng 23-gulang na si Basadre. ‘‘Pangarap ko makalaban sa Olympics.’’
‘‘Gagawin ko lahat para makarating ng Beijing Olympics. Gustong kong ipagmalaki ako ng mga magulang ko,’’ sabi naman ng 5-foot-9 na si Boholst na nanalo ng gold medal sa nakaraang National Open.
Sinabi naman ng 5-foot-10 na si Lopez, tubong Kiamba sa Sarangani Province na hindi siya natatakot sa mga kalaban. ‘‘Bakit ako matatakot, pantay-pantay lang kami,’’ sabi ni Lopez.
Sasabak sina Doha Asian Games gold medalist Violito Payla at veteran Harry Tanamor, two-time World championships bronze medalist, sa Miyerkules, habang sa Huwebes naman sina Joan Tipon at Charly Suarez.