Welcoat, bata pero may laban

Tila nakuha ng Welcoat Dragons ang tamang timpla para sa kanilang lineup sa kanilang maiden season sa   Philippine Basketball Association (PBA).

Maganda ang ipinakita nina JR Reyes, JunJun Cabatu at Jay Sagad, ang tatlong rookies na inangat ng team mula sa kanilang amateur squad, kasama si veteran free agent Jojo Tangkay  laban sa mga superstars  ng liga sa PBA pre-season games.

Napukaw ng apat na ito ang pansin ni league commissioner Noli Eala.        "I was very impressed with the way they played, especially the three rookies," anang PBA honcho. "Hopefully, they’ll be able to sustain their form all  the way to the regular season."       

Kilala sa kanilang pisikal na laro, ang  6-foot-7 na si Reyes at ang 6-foot-5 na si Cabatu ay inaasahang lalaro ng center slot para sa Dragons habang si Sagad, ang one-time NCAA Most Valuable Player (MVP) mula sa St. Benilde, ay lalaro ng power-forward.    Ang tatlong ito ay nakapirma na ng multi-million contracts.     

 "May tiwala kami sa kanila, kahit rookies pa sila," ani Welcoat co-team owner Terry Que, na ipinagmamalaki ang magandang ipinakita ng kanyang team sa pre-season tournament. 

Mabibinyagan ang Dragons sa   opening day ng 2006-07 season sa pakikipagharap sa crowd favorite Barangay Ginebra. (Mae Balbuena)

Show comments