Ito ang naging resulta ng 54-44 paggiba ng San Beda Red Lions sa Knights at ang 75-65 pananaig ng Dolphins sa Mapua Cardinals sa pagtiklop ng second round ng 82nd NCAA mens basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.
Matapos iwanan ng Letran sa 31-39 sa 7:35 ng fourth period, isang 15-0 atake ang inilunsad ng San Beda, itinala ang kanilang 12-game winning streak, na tinampukan ng pagkakasibak kay coach Louie Alas sa huling 3:09 nito para kunin ang 46-39 abante.
Kinailangan pang ilabas ni NCAA Commissioner Jun Bernardino ang nagwawalang si Alas mula sa loob ng basketball court matapos matawagan ng dalawang technical fouls buhat sa unsportsman-like foul ni Knight RJ Jazul kay Red Lion Pong Escobal sa 3:09 ng laro.
"Maraming lapses sa officiating. May mga inconsistencies at hindi lang naman sa side ng Letran maski sa amin rin kaya nga ako natawagan ng technical sa halftime," ani coach Koy Banal.
"Kahit naman sa NBA walang perfect officiating. Ayusin na lang sana ng konti sa susunod."
Sinamantala naman ng PCU ang one-game suspension ng NCAA Management Committee (ManCom) kay Mapua shooter Joeferson Gonzales para ilista ang 19-point lead sa first half, 44-25, patungo sa kanilang panalo.
Sa juniors action, tinalo ng SBC Red Cubs ang Squires, 68-51, sa likod ng 14 puntos ni David Marcelo. (Russell Cadayona)