Naglaho ang 3-0 kalamangan at napagwagian pa sa 4-6 ang RP duo matapos kunin ng tambalang Michal Gavenciak at Roman Hybler ang anim sa sumunod na pitong rack ngunit nanumbalik ang kumpiyansa ng mga Pinoy cue artist nang mabigyan ng magandang break tungo sa paglista sa ikatlong diretsong tagumpay.
Lumabas sa mesa ang cue ball matapos ang malakas na sargo ni Gavenciak sa 12th rack upang makatabla ang Pilipinas. Kinuha ng top seed ang 7-6 bentahe nang sumablay si Hybler sa green-six ball.
Ang masamang tira ni Michal Gavenciak ang naglibre sa 2-ball na hindi pinakawalan ni Bustamante para sa 8-6 bentahe at sa sargo ng pambansang cue artist sa 15th rack natapos ang laban.
"This is a scary match for us," wika ni Bustamante. "But its a race to nine and anybody can win. Its very important that we played badly and still won."
Kakaharapin ng Pilipinas ang malakas ding Germany na kinuha ang isang semifinals seat matapos patalsikin ng tambalang Thomas Engert at Oliver Ortmann ang Chinese Taipei players na sina Yang Chingshun at Wang Hungshiang, 9-4.
Handa namang harapin ng Germany ang ipakikitang laban ng Pilipinas na tiniyak ni Engert.
Ang isang pares ng semifinals ay paglalabanan ng US at ng nanggugulat na Vietnam.
Nangibabaw ang husay nina Earl Strickland at Rodney Morris laban kina unseeded Lee Chenman at Kong Manho ng Hong Kong para sa 9-3 tagumpay.
Bunga ng kabiguan ng Hong Kong, ang Vietnam na binubuo nina Thanh Nam Nguyen at Chi Dung Long ang natitirang koponan na hindi seeded sa kompetisyon matapos nilang kalusin sina Fabio Petroni at Angelo Millauro ng Italy, 9-8. (A. Tan)