Mga atletang nais magnegosyo tutulungan ng SMC

Bonus, grocery at gift certificates.

Ito ang ibinigay ng San Miguel Corporation sa 56 gold, 33 silver at 35 bronze medalists na kanilang sinuportahan sa nakaraang 23rd Southeast Asian Games na nagbunga ng pagiging overall champion ng Team Philippines.

Ang mga gold medal winners ay tumanggap ng P20,000 bilang bonus, samantalang ang silver at bronze medalists ay binigyan naman ng P10,000 at P5,000, ayon sa pagkakasunod.

"Bago ang Southeast Asian Games, marami ang hindi naniwalang magiging overall champion ang Pilipinas. At tanging si First Gentleman Mike Arroyo lamang ang talagang naniwala," wika ni SMC president Ramon Ang. "Marami kayong dapat ipagpasalamat kay First Gentleman para magkaroon kayo ng mga Godfathers."

Sa 113 gold medal na nakuha ng Team Philippines sa pagiging overall champion sa 2005 SEA Games, 56 rito ay nagmula sa mga atletang tinulungan ng SMC.

Ang mga sports associations na sinuportahan ng SMC sa nakaraang biennial event mula sa kanilang mga produkto ay ang boxing (Ginebra), archery (Purefoods Beefies), athletics (Magnolia), judo (Star Margarine), wrestling (Purefoods Chunkee Corned Beef), traditional boat race (San Mig Light), baseball (Purefoods TJ Hotdogs), dancesports (Matador Brandy), lawn bowls (Super Dry), muay (Strong Ice) at petanque (Tondeña Premium Rhum).

Bukod sa bonus, grocery at gift certificates, tiniyak rin ng SMC ang mga national athletes na tutulungan.

"Kung gusto daw ng mga athletes na magnegosyo, tutulungan sila ng San Miguel sa pamamagitan ng pagiging business partners nila," ani Roger Fortaleza, secretary-general ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP). (Russell Cadayona)

Show comments