Isang matapang na laban ang ipinamalas ni Dawa, na hindi ininda ang leg injury, nang kanyang gapiin ang Thai na si Wanwisa Muenjit sa pamamagitan ng hanteo o decision sa extension at mapanatili ang titulo sa -45kgs na kanyang napagwagian noong 2003 Vietnam Games.
Kapwa umiskor ng koka sina Dawa at Muenjit sa pagtatapos ng five-minute regulation period para sa extension. Gayunpaman nabigo ang dalawang magkalaban na maka-iskor at iginawad ng mga hurado ang desisyon na si Dawa ang nanalo dahil sa mas mainit at mataas ng antas ng pagka-agresibo laban sa Thai.
"Im very happy to defend my title here in our country," ani Dawa, na Philippine Coast Guard (PCG) draftee. "I injured my left leg so badly one week before the SEA Games, but theres no turning back for me. Everyone of us already made a lot of sacrifices and I want to have a share of it. Im glad I won," dagdag pa ni Dawa na agad nagtungo sa medical room pa eksaminin ang paa.
Sa harap ng nagbubunying kababayan, nakausad sa finals si Dawa nang umiskor ito ng ippon sa pamamagitan ng waza-ari kay Vietnamese Dang Le Bich may 46 segundo ang nalalabi sa five-minute.
Ngunit pansamantala, nanahimik ang mga Pinoy nang iganti naman ni Van Ngoc Tu ng Vietnam ang kababayan makaraang igupo si Nancy Quillotes sa -48kgs. finals at makuntento na lamang sa silver medal.
Hindi naging mapalad ang mga kalalakihan nang yumuko si Tomohiko Hoshina kay Tharalat Sutthiphun ng Thailand sa -100kgs at yumuko din si Rick Jayson Senales sa Indonesian na si Krisna Bayu. (Emmanuel Villaruel -The Freeman)