P.5-M nakalaan para sa Manila Marathon

Nakataya ang P.5 milyon para sa pinakamalaking foot race sa bansa--ang 3rd Manila Marathon na lalarga sa July 24 sa out-and-back course na magsisimula sa makasaysayang Rizal Park.

Ayon kay Manila Sports Council (MASCO) chief Arnold ‘Ali’ Atienza, anak ni Manila Mayor Lito Atienza, kasiya-siyang mga premyo ang ipapa-raffle sa mga kalahok sa awarding ceremonies ng Big City run na suportado rin ng Nike, PAGCOR, PCSO, Red Bull, Milo, Super Ferry, Gatorade, San Miguel Corp., at Concept Movers.

Umabot sa kabuuang P395,000 ang mapapasakamay ng mananalo sa 42km full marathon, habang P20,000 naman ang ibibigay sa mananalo sa 10km at Media 5km race, habang P12,000 naman ang ibibigay sa 5km at Celebrity 5km gayundin sa Differently-abled 3km at pagkakalooban naman ng medalya ang magwawagi sa 15-under Kids 3k fun run.

Ang 42Km race ay magsisimula alas-4 ng madaling-araw sa Roxas Blvd. (sa pagitan ng Rizal Monument at Quirino Grandstand) na dadaan sa Tondo, Quiapo, Binondo, Sampaloc, Sta. Mesa, Sta. Ana, Paco, San Andres, Singalong, Malate at pabalik ng Rizal Park.

Show comments