Ibinigay na ng Basketball Association of the Philippines (BAP) sa PBA ang pagbuo ng National squad para sa SEABA na siyang qualifying tournament para sa Asian Basketball Confederation (ABC) na siyang tuntungan sa World Championships at Olimpiyada na siyang pangarap ng PBA.
Sinabi ni PBA Commissioner Noli Eala na kaila-ngan muna nilang magpresinta sa Board bago matapos ang linggong ito ng plano para sa pagbuo ng koponan na isasabak sa SEABA.
Magkakaroon ng Board Meeting sa Lunes kung saan dedesisyunan ang usaping ito.
Ayon kay National team coach Chot Reyes, kumpiyansa siyang magiging handa ang PBA para sa SEABA bagamat maiksing panahon na lamang ang paghahanda para sa torneong ito na nakatakda sa huling linggo ng Hunyo.
"The team who will be sent is ready by that time," ani Reyes na nagsabing mahahasa na ang kanyang National pool sa nalalapit na tatlong araw na pocket tournament na magsisimula sa Linggo kung saan mapapasabak sila sa Iran at Italian teams na susukat ng kalagayan ng kanilang kahandaan.
Mayroon pang isang pocket sa Mayo kung saan magpapadala ang Canada ng isang malakas na koponan na hahasa sa National training pool.
Ayon kay Reyes, maaari ding lumikha na lamang ng selection mula sa mga eliminated teams ng kasalukuyang PBA Fiesta Conference. (Ulat ni CVOchoa)