Binilangan ng standing eight count ng referee matapos tumanggap ng suntok sa host boxer na si Faber Frantisek sa mukha, parang sundalong sugatan na bumangon ang 24 anyos na si Payla, at sunod-sunod na malulutong na body blows at kombinasyon sa ulo ang pinakawalan nito tungo sa kumbinsidong 15-5 panalo.
"Wala naman akong naramdaman na suntok binilangan na ako. Isang puntos yun at binawi ko na lang sa third at fourth rounds. Nirapido ko na yung kalaban," ani Payla, isa sa apat na boksingerong Pinoy na bibiyahe sa Athens Olympics.
Ang panalo ay nagdala kay Payla sa Last 4 ng kanyang division sa torneong ito na humatak ng 71 boxers mula sa 14 na bansa. Ang kanyang kalaban sa final spot ay ang magwawagi sa pagitan nina Russian Alexander Afanasiev at Australian Hore Bredley.
Tatlo pang miyembro ng RP-Alaxan FR -- sina bantamweight Joan Tipon, light welterweight Romeo Brin at middleweight Christopher Camat ang aakyat sa ring sa Huwebes (Biyernes sa Manila) kung saan lahat ay umaasang makakasama sina Payla at light flyweight Harry Tanamor sa semis.
Magaan na umusad si Tanamor sa semis dahil tatlo lamang boksingero ang pumasok sa kanyang division. Makakalaban niya ang Cuban na si Barte-lemiyan Varela sa Biyernes (Sabado sa Manila)
Makikipagtipan naman si Tipon kay Australian Joel Brunker, si Brin kontra kay Martin Halas ng Czech Republic at Camat laban kay Jozsef Acs ng Hungary.
"Mabigat ang laban dito," paliwanag ni coach Boy Velasco. "Kung hindi papunta sa Olympics ang makakalaban, miyembro ng Team A ng mga bansa nila."
"Pero nasa focus ang mga bata (RP boxers). Maganda ang ipinakita nila sa training session namin kahapon pagdating dito. Lahat sila ay nasa tamang timbang at handa na sa laban."
Pagkatapos ng Czech Republic tournament, ang koponan na suportado ng Alaxan FR, Philip-pine Sports Commission, Accel, Family Rubbing Alcohol at Pacific Heights, ay tutungo sa Romania para sa Golden Belt tourney sa Hunyo 15-20.
Pagkatapos ng dalawang international tournaments, ang team ay pupunta sa training camp sa Plovdiv, Bulgaria sa June 21 hanggang July 16 bago tapusin ang dalawang buwang biyahe ng isa pang international training camp sa Bugeat, France sa July-17 hanggang Agosto 5.