Tanamor nakuntento sa silver medal

KARACHI, PAKISTAN -- Hindi na gaanong pinahirapan ni RP Alaxan FR team Harry Tanamor ang kanyang sarili nang makuntento lamang ito sa silver medal sa light flyweight class ng 3rd Asian Olympic boxing qualifying tournament (Green Hill Cup) na tumiklop noong Miyerkules ng gabi dito.

Ngunit ang makasungkit ng awtomatikong slot sa Athens Games ay mas higit sa pamamayani ng gintong medalya para sa kanyang sarili.

"Mas maganda sana kung naka-gold tayo. Iniisip ko nakasabit na ‘yung gold medal sa akin after the fourth round, pero hindi ibinigay," wika ng 25-anyos na Army man ilang sandali matapos na matalo sa kanyang final match sa 48kg. division kontra sa Koreanong si Hong Moo-Won, 34-19, sa una sa siyam na championship bouts na ginanap sa punum-punong KPT Sports Complex.

"Pero masaya na rin kahit paano dahil nakakuha ng slot sa Olympics," dagdag pa ng ipinagmamalaki ng Zamboanga City.

Ang silver ni Tanamor ang natatanging medalyang uwi ng apat na Filipino squad na ipinadala rito ng Alaxan FR, Philippine Sports Commission (PSC), Pacific Heights at Accel, sa pagtatapos ng isang linggong, 29-nation meet, ngunit sapat na ito upang bigyan ang bansa ng isa pang Olympic berth bilang karagdagan sa tatlong nauna nang boxers na sina (Violito Payla, Romeo Brin at Chris Camat) na nakakuha na ng slot sa Summer Games ngayong Agosto.

Ang koponan ay binubuo rin ng mga boxers na sina Junard Ladon, Genebert Basadre at Ferdie Gamo gayundin nina coach Pat Gaspi at referee/judge Arturo Vidal na dumating sa bansa kagabi.

At para sa apat na Olympic-bound Filipino pugs, magsisimula na ang kanilang malalim na training.

Show comments