Sinabi ni Sen. Jaworski, ang tinaguriang hero sa nasabing Crispa-Toyota reunion match noong Biyernes matapos maipasok nito sa huling segundo ng laro ang 3-points kaya lumamang ng apat na puntos ang Tamaraws, nakahanda ang kanilang team na muling harapin ang Redmanizers sa isang rematch na best-of-seven game.
Ayon pa kay Jaworski, nagwagi sila sa naturang reunion match sa Crispa kahit ang mga pambatong players ng Toyota Tamaraws tulad nina Abe King, Francis Arnaiz, Ernesto Estrada at 3 iba pa ang nasa Estados Unidos at hindi nakapaglaro sa kanilang team, nagawa pa nilang igupo ang Redmanizers.
"Actually sa nasabing Crispa-Toyota reunion match last Friday ay sampung 3-points ang inihanda ko, pero 1 lamang ang inilabas ko nun," pabirong wika pa ng mambabatas.
Iginiit pa ng The Living Legend ng PBA na ngayon ay isa ng senador, na dapat lamang sigurong magpalit na muna sila ng mga gagamiting referees kapag nagkaroon sila ng rematch dahil mas nauuna pa ang mga ito na humihingi ng time-out kaysa sa mga original players ng Crispa at Toyota tulad ng reunion match nila noong Biyernes.
"We (Toyota Tamaraws) are ready once the Redmanizers ask for a re-match anytime they want," dagdag pa ni Jaworski. (Ulat ni Rudy Andal)