Kasi nga, dahil sa pagkatalong iyon ay naglaho ang kanilang tsansang makakuha ng automatic semifinals berth sa Selecta-PBA All-Filipino Cup. Bagamat nagtabla ang Beermen at Tigers sa kartang 6-3 sa pagtatapos ng elimination round ay nakamit ng San Miguel ang ikalawang puwesto at nakasama nito ang Batang Red Bull na naghihintay na lamang ng makakalaban sa best-of-three semis na magsisimula sa Miyerkules.
Sa kabilang dako ay makakaharap ng Coca-Cola ang alinman sa Sta. Lucia Realty at Shell Velocity na nagharap sa sudden-death playoff kagabi.
Sudden-death din ang quarterfinals, eh. Kaya naman kahit pa sabihing ang makakagasupa ng Tigers ay galing din sa playoff at nahirapang makausad, parehas pa rin ang tsansa nilang dalawa. Mas maganda talaga yung nakakuha na kaagad ng automatic semifinals berth.
Siguro nga nanghihinayang si Reyes. Pero palagi naman niyang sinasabi na hindi nila target ang Top Two sa simula ng torneo. Sa realidad, ang talagang puntirya ng Tigers ay ang makabilang lang sa mga koponang maghaharap sa quarterfinals. Nagkataon lang na maganda ang kanilang naging performance.
Ibig sabihin, talagang handa si Reyes na sumuong sa isang sudden-death situation upang makarating sa semifinals. At kung iyan ang frame of mind ng Tigers, wala silang problema bukas. Yun ay kung ang pag-uusapan ay ang konsentrasyon nila.
Kaya lang, ani Reyes ay bugbog na rin ang katawan ng Tigers. Kumbagay sobra-sobra ang effort na ibinigay nila sa elimination round dahil nga sa hindi naman talaga matangkad na koponan ang Coca-Cola. Dinadaan lang nila sa takbuhan ang kalaban.
Lalo pa ngang lumiit ang Coca-Cola dahil sa nagtamo ng injury ang sentrong si Cris Bolado na kinailangang ilagay sa injured list hanggang sa pagtatapos ng season. Kasama niya doon si Ernesto Ballesteros na sa kalagitnaan ng taong itoy naoperahan sa tuhod.
At hindi lang iyon. Si Raffi Reavis, na siyang second pick overall sa Draft ng taong ito ay mayroong fracture sa kamay at hindi makahawak ng bola nang maigi. Hindi siya maka-shoot o makakuha ng rebound. At kahit nga dumepensa lang ay nahihirapan siya dahil sa tinatapik palagi ng kalaban ang kanyang kamay.
Ibig sabihin ay kay Edward Juinio na lamang aasa ang Coca-Cola kung pagdomina sa shaded area ang pag-uusapan. Kukuha na lang ng tulong si Juinio buhat sa mas maliliit na manlalarong gaya nina Rudy Hatfield at Freddie Abuda.
Sakali mang lumusot ang Coca-Cola sa quarterfinals at umusad sa semis kontra sa San Miguel Beer, mahihirapan pa rin ang Tigers dahil sa mas matatangkad ang kanilang makakaharap.
Subalit kahit na anong mangyari sa kampanya ng Coca-Cola sa season na ito ay wala na ring dapat ikahiya sina Reyes at tropa niya. Biruin mong kahit na undersized sila ay hindi naman sila nangulelat sa tatlong conferences palagi silang lumalaban hanggang dulo!