Humataw sa triple area ang Thunder partikular na sa ika-apat na quarter sa pangunguna ni Willie Miller na kanilang naging tuntungan sa ika-pitong panalo matapos ang walong laro na nagsiguro sa Thunder hindi lamang ng automatic semis slot na ipinagkakaloob sa top two teams pagkatapos ng eliminations kundi pati na rin ang No. 1 slot.
Limang tres ang pinakawalan ng Red Bull sa final canto, tatlo sa 10-3 run na humila sa Thunder sa 67-57 abante matapos ang back-to-back triple ni Miller.
Pumalag pa ang Ginebra sa tulong ng tres ni Jun Limpot, three-point play ni Mark Caguioa at free-throws ni Eric Menk para makalapit ang Kings sa apat na puntos, 63-57, 5:02 na lang ang oras sa laro.
Ngunit isinelyo ng Red Bull ang panalo ng kanilang tapusin ang laro sa pamamagitan ng 17-4 salvo kabilang na ang magkasunod na tres nina Miller at Mick Pennisi.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Antipolo City sa paghaharap ng Sta. Lucia at Alaska sa unang laro ganap na alas-3:45 ng hapon na agad susundan ng bakbakan ng Shell at San Miguel Beer sa alas-5:45 ng hapon. (Ulat ni Carmela Ochoa)