Beach volley players inaanyayahan ng Nestea

Bubuksan ng Nestea ang papasok na taon sa isang umaatikabong aksiyon at adventure para sa mga kabataan sa pamamagitan ng paglulunsad ng 7th Nestea Beach Volley University Championships.

Ngayon pa lang ay iniimbitahan na ng Nestea ang lahat ng collegiate beach volley players mula sa buong bansa na magpatala para sa nasabing tournament na siyang pinakamalaking edisyon sa nakalipas na pitong taon.

Idaraos ang nabanggit na tournament sa Enero 2003 na ang unang yugto ng eliminations ay gaganapin sa Manila kung saan may malalaking alok na premyo ang Nestea. Maraming tsansa ang mga atleta na sumali dahil sa apat na elimination legs na gaganapin. Tig-isa mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao.

Inaaaahang aabot sa mahigit 100 koponan mula sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa ang lalahok sa tournament na ito kung saan sila ay maglalaban-laban para sa mahigit P500,000 nakatayang kabuuang premyo na ang magka-kampeon ay mag-uuwi ng P100,000 at karagdagang P50,000 halaga ng sports equipment na ipagkakaloob sa kani-kanilang alma mater.

Ang sinumang interesadong lumahok ay maaaring tumawag sa J. Romero Events sa 8906583 o mag-log on sa www.nestea.ph

Show comments