Express naisalba ni Moore

Kumunekta ng mahalagang triple si import Tim Moore sa huling 5.4 segundo ng labanan upang ihatid ang FedEx Express sa 79-78 panalo kontra sa Barangay Ginebra, na binalikan ng kanilang dating import na si Bryan Green, kahapon sa pagpapatuloy ng eliminations ng Samsung-PBA Governors Cup sa Ynares Center kagabi sa Antipolo City.

Ibinuslo ni Moore ang kanyang nagpanalong tres para kumpletuhin ang kanyang 29-points at 11-rebounds performance matapos tagpasin ni Mark Caguioa ang pagtatabla sa 76-all sa pamamagitan ng kanyang dalawang freethrows, para sa 2-point lead ng Gin Kings.

Walang nangyari sa huling posesyon ng Ginebra nang hindi binigyan ng foul si Green, ang pumalit kay Desmond Ferguson, sa kanyang desperadong tira mula sa triple area na siyang nagkaloob ng ikaapat na panalo sa Express sa walong pakikipaglaban upang makalapit sa eight-team quarterfinals.

Angat ang Gin Kings ng 13-puntos sa simula ng fourth quarter, 68-55 ngunit pinagbidahan ni Bong Alvarez ang 18-2 run tampok ang kanyang dalawang tres, upang hawakan ng Express ang 73-70 kalamangan matapos ang mahabang paghahabol sa Ginebra. Bu-mawi sa freethrows ang Gin Kings upang lukuban ang kanilang 1-of-15 field goal shooting sa fourth quarter sa pangunguna ni Caguioa na umiskor ng huling anim na free-throws ng Ginebra, ang unang apat ang siyang nagbalik sa Kings sa 76-73 kalamangan.

Muling tumirada ng tres si Alvarez para sa kanyang ika-15 puntos upang makatabla ang Express sa 76-all, 33 se-gundo ang nalalabing oras sa laro.

Bunga ng ikaanim na pagkatalo ng Ginebra sa 7-laro, kailangan nilang ipanalo ang huling apat na asignatura upang manatiling buhay ang tsansa patungo sa quarterfinals.

Samantala, bunga ng natamong injury sa kamay, dinispatsa ng Batang Red Bull si Julius Nwosu at kanilang ibabalik ang Best Import noong nakaraang taon sa kanilang pinagkampeonang Commissioners Cup na si Antonio Lang.

Samantala, kakatok ang Purefoods TJ Hotdogs sa pintuan ng twice-to-beat advantage habang makapuwesto naman sa quarterfinal round ang layunin ng RP Team-Hapee.

Ito ang magkaibang layunin ng TJ Hotdogs at RP-Hapee sa kanilang engkuwentro ngayon sa Araneta Coliseum.

Tampok na laro ang engkuwentrong TJ Hotdogs at RP-Hapee sa dakong alas-5:45 ng hapon pagkatapos ng pampaganang sagupaan ng nagdedepensang kampeong Sta. Lucia Realty at Coca-Cola Tigers sa dakong alas-3:45 ng hapon. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments