Nagsama ng lakas ang seven-time PBA best import na si Parks at Jihad sa kinanang 28 puntos para sa 37-puntos na produksiyon ng koponan sa final canto para ihatid ang Spring sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa tourney na ito na magkatuwang na inorganisa ng Basketball Association of the Philippines at Cebu Basketball League.
Humakot si Jihad, ang American coach ng Brunei National team na nagtungo sa bansa upang masubukan ang kanyang kakayahan sa paglalaro dito ng 28 puntos, habang 27 naman ang tinapos ni Parks na nagdala sa Spring na maokupahan ang unang final seat.
Ipinagpatuloy naman ni Joel Co ang kanyang pananalasa nang mag-ambag ito ng 22 marka upang makapagbigay ng suporta sa kanilang dalawang imports.
"Our imports are capable of doing what they do best at any given time. But when they pull over in offense, the locals can take their turn to," pahayag ni Spring coach Tito Palma.
Inaasahan na maitatala rin ng RP-Guardo, ang isa pang koponan ng Pilipinas na makikipaglaban para sa slot sa ABC Champions Cup na nakatakda sa susunod na buwan sa Malaysia kontra Singapore na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Nabalewala ang pinagpagurang tig- 28 puntos nina import Khalid Livingston at K. Saryaseelan ng hindi makaligtas ang Malaysia na malasap ang kanilang ika-2 sunod na pagkatalo matapos ang tatlong asignatura sa five-day event na ito na suportado ng Osaka Iridology, Uniherb, Accel, YKL Films, Molten, Absolute Water, Burlington at PCSO.
Mula sa 68-66 pagkakalapit ng Malaysia, isang 24-3 bomba ang pinasabog ng Spring ang naghatid sa kanila sa kampanteng 91-71 kalamangan patungong huling dalawang minuto ng labanan.