Pangasinan Waves dapat katakutan

Tinatayang isa ang Pangasinan Waves sa mga koponan na dapat katakutan sa pagbubukas ng 5th season ng Metropolitan Basketball Association (MBA) sa Mayo.

Ito ay sa dahilang higit pa nilang pinalakas ang kanilang pagbabalik matapos na lumiban ng dalawang taon sa paghugot ng tatlong Fil-American na nagtangkang mapasama sa lineup ng Philippine team para sa Busan Asian Games.

Matapos na hindi makakuha ng certificate of confirmation mula sa Department of Justice, iniulat na nagtungo na sina Chris Clay, Jeffrey Flowers at Jimmy Alapag sa koponan ng Waves para lumaro.

Bukod sa tatlong nabanggit, nauna ng nakuha ng Waves ang isa pang dominanteng manlalaro mula sa University of Texas at 1999 PBA Mythical Five member na si Sonny ‘Earl’ Alvarado.

Si Alvarado, kasama ang iba pang dating manlalaro ng Tanduay Rhummasters na sina Jomer Rubi, Allan Yu at Roderick Bughao ay kasalukuyan ng nagsasanay sa Waves simula pa noong nakaraang buwan. Ang Waves ay hahawakan ng bagitong si Lawrence Chongson, na napaulat na suportado ng Tanduay Rhum matapos na ibenta ang kanilang prangkisa sa FedEx noong nakaraang Disyembre.

Sina Clay, Flowers at Alapag ay nag-apply sa PBA Draft, pero nasibak sa listahan dahil hindi sila umabot sa itinakdang deadline para sa pagbibigay ng DOJ papers. (Ulat ni ACZaldivar)

Show comments