RP-Selecta kakaliskisan ng Beermen

Makakaliskisan ngayon ang Selecta-RP Team sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Samsung Governors Cup sa nag-iisang laro sa Makati Coliseum.

Ngunit sa di inaasahang pangyayari, ang kanilang unang asignatura ay ang koponan ng National coach na si Jong Uichico, ang San Miguel Beer sa alas-6 ng gabi.

Inaasahang uupo lamang sa sidelines si Uichico at hahayaang igiya ni Ginebra coach Allan Caidic ang Selecta squad na siguradong pahihirapan ng dalawang San Miguel imports na sina Lamont Strothers at Keith Hill.

Ang bagitong si Hill at ang balik-PBA na si Strothers ay inaasahang pupuno sa apat na players na ipinahiram sa Candidates Pool na sina Olsen Racela, Dondon Hontiveros, Danny Seigle at Danny Ildefonso.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay kakalabanin ni Racela ang kanyang koponan gayundin si Hontiveros bagamat hindi pa nito napapaglingkuran ang San Miguel na kumuha sa kanya mula sa dating PBA team na Tanduay.

Makakatulong nina Racela at Hontiveros ang iba pang miyembro ng National Pool na pangungunahan nina Dennis Espino ng Sta. Lucia Realty, Eric Menk ng Barangay Ginebra, Paul Asi Taulava ng Talk N Text at Kenneth Duremdes ng Alaska.

Samantala hindi pinayagan ang 3 Fil-Ams na sina Jeffrey Flowers, Chris Clay at Jimmy Alapag na maglaro sa PBA hangga’t hindi pa nakakapagsumite ng kanilang certificate of confirmation ng Department of Justice bilang patunay na sila ay may dugong Pinoy.

Ang iba pang miyembro ng Selecta squad ay sina Chris Jackson ng Shell, Patrick Fran ng Phone Pals, Chris Calaguio ng Shell at Poch Juinio ng Coca-Cola.

Dahil hindi maaasahan si coach Uichico, mabigat na responsibilidad ang nakaatang kay Art dela Cruz na mangangasiwa ng Beermen katulong si Bethune Tanquincen.

Bukod kina Strothers at Hill, sasandal ang San Miguel kina Nick Belasco, Dorian Peña, Mike Mustre, Dwight Lago at Robert Duat. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments