Bahagyang nawalis ng Team Philippines ang kanilang anim na quarterfinals matches noong Huwebes na siyang nagsalba sa tatlong tagumpay ng Filipinos upang palakasin ang kanilang tsansa sa pagsungkit ng medalya sa Feliks Stamm International Boxing Championship dito.
Ang tagumpay nina Violito Payla, Roel Laguna at Vincent Palicte ay nag-siguro ng bronze medal para sa bansa na pawang kanilang itinala sa pa-mamagitan ng impresibong panalo na siyang lumukob sa kabiguan nina Florencio Ferrer, Harry Tañamor at Romeo Brin na lumasap ng di magandang pagkatalo.
Matapos ang di magandang panimula, nagawang ibalik ni Payla ang kanyang porma upang iposte ang 24-13 panalo kontra Michail Nonowskij ng Ukraine upang isaayos ang kanilang semis clash ni Canbadian Sebastian Gouthier sa flyweight division.
Ipinagpatuloy naman ni Palicte ang kanyang agresibong performance na ipinamalas noong Miyerkules nang kanyang dispatsahin ang Azerbaijan Yusof Amanakhov sa pamamagitan ng RSC-O (outclassed) sa 1:17 minuto ng third round ng kanilang bantamweight clash.
Itinala naman ng 20-gulang featherweight na si Laguna mula sa Bohol ang 15-11 panalo kontra Ovidiu Bobireat ng Cyprus kung saan lumasap si Ferrer ng kontrobersiyal na pagkatalo matapos na bawasan ng dalawang puntos sa third round.
Si Ferrer ay nagpakawala ng solidong suntok sa mukha ng nahilong si Polys Polydorov mula sa Cyprus,kita na ang panalo ng Pinoy pug nang siya ay bawasan ng dalawang puntos sanhi ng head butt.
Gaya ni Ferrer, isang sorpresang 11-16 kabiguan ang natikman ni Tañamor mula sa kalabang si Sergei Zmailik ng Belarus, habang ang 28-gulang na si Brin, beterano sa koponan ay dumanas ng 8-16 pagkatalo sa mga kamay ni Ukraines Jurij Solotov.