Agad nanalasa ang mga Taiwanese matapos itigil ang kanilang laro noong Linggo dahil sa malakas na ulan, nang kanilang blangkuhin ang Japan 5-0 na kanilang sinundan ng 9-4 pamamayani kontra sa host Philippines.
Ito ang nagkaloob sa mga Taiwanese ng solong pamumuno sa torneong ito na inorganisa ng Philippine Pony Baseball/Softball Association-president Rodolfo "Boy" Tingzon, Jr.
Pinagbidahan ni Bien Jan ang unang panalo ng Chinese-Taipei sa kanyang no-hitter na sumira sa mga tirador ng Japan na kinatawan ng All-Japan Baseball League champion Chiba sa event na ito.
Sa likod ng nalasap na pagkatalo, maipagmamalaki naman ng RP Team na kinatawan ng Laguna baseball squad, ang kanilang 6-1 pamamayani kontra sa Singapore kung saan ang pitcher na si Sandy Cirillo at leftfielder Rico Viduya ang naging bayani.
Si Cirillo ay may three-hitter job sa limang innings habang si Viduya ay may dala-wang RBI (Runs-Batted-In) single na tumapos sa three-run rampage sa itaas ng ika- 5 inning na dumiskaril sa Singapore.
Bumawi din ang Japan sa kanilang pagkatalo sa Chinese-Taipei nang kanila ring biktimahin ang Singapore sa pamamagitan ng 7-1 panalo kung saan nag-debut ang pinakamahusay na pitcher ng Japan na si Sohei Ogawa.
Hangad ng Taiwan na ma-sweep ang kanilang elimination round games sa kanilang pakikipagharap sa Singapore (0-2) habang susubukan naman ng RP Squad ang lakas ng Japan ngayong hapon.