UAAP Basketball: Green Archers higit na tumatag

Naglahong parang bula ang 22-puntos na kalamangan ng defending champion De La Salle University ngunit salamat na lamang at kumulapso sa endgame ang University of the Philippines at naisalba ang 85-79 panalo kahapon sa pag-usad ng ikalawang round ng eliminations ng UAAP men"s basketball tournament sa Ateneo Gym kahapon.

Halos sigurado na ang Green Archers sa panalo nang kanilang iposte ang 65-43 kalamangan, 5:24 ang nalalabing oras sa ikatlong quarter nang pakawalan ng Maroons ang eksplosibong 22-7 run sa loob ng walong minuto.

Tinapos ni Michael Bravo ang naturang run sa pamamagitan ng long jumper na nagtabla ng score sa 76-all patungong huling dalawang minuto ng labanan ngunit hindi naman nagpabaya si Renren Ritualo nang pumukol ito ng tres upang ibalik ang La Salle sa 79-76 pangunguna, 1:39 na lamang ang oras sa laro.

Naging mitsa ng pagbagsak ng State U ang isang offensive foul ni Mark Jomalesa kay Mark Cardona na nagsimula ng 6-3 produksiyon ng Archers na sumiguro ng kanilang panalo na dumuplika sa kanilang naging tagumpay sa unang round, 85-82.

"Our character is being tested on and off the court," pahayag ni coach Franz Pumaren ng DLSU na lalong tumatag sa liderato taglay ang 9-1 kalamangan. "Hopefully we can sustain our run and regain our killer’s instinct."

Umabante rin ang La Salle sa 29-12 sa kaagahan ng ikalawang quarter ngunit pumutok ang laro ni Bravo na umiskor ng 16-puntos sa naturang yugto upang makalapit ang Maroons sa 27-30.

Samantala, hindi naman naglaro si Cardona sa ikalawang quarter dahil nais ni Pumaren na ipahinga nito ang kan-yang na-injured na binti gayunpaman ay nanguna ito sa Archers sa paghakot ng 25-puntos.

Sa juniors game, pinabagsak ng La Salle ang UP Baby Maroons, 55-49 para sa kanilang 6-2 record habang nakopo naman ng Adamson Lady Falcons ang ikatlong sunod na panalo sa ikalawang round ng women’s division matapos ang 57-35 pananalasa sa FEU Lady Tamaraws.

Show comments