Sa pagpapatuloy ng umiinit na eliminations ng PBA All-Filipino Cup, mag-sasagupa ang TJ Hotdogs at Gin Kings sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa PhilSports Arena.
Kasunod nito ay ang tampok na engkuwentro ng Red Bull Thunder at SMBeer sa dakong alas-7:30 ng gabi.
Bukod sa makakalapit sa top four na mabibiyayaan ng bentaheng twice-to-beat sa quarterfinals phase kung saan ang no. 1 ay haharap sa no. 8; no. 2 vs no. 7; no. 3 kontra no. 6 at no. 4 vs sa no. 5, may iba pang importansiya ang panalo ng SMB.
Sa pamamagitan ng kanilang tagumpay, mapapahigpit ng San Miguel ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto, makakabawi ito sa kanilang 76-78 pagkatalo kontra sa Thunder noong Pebrero 28 at makabangon sa nakaraang 71-79 pagkatalo kontra sa Purefoods TJ Hotdogs noong Linggo.
Hawak ng Beermen ang 7-4 kartada sa likod ng nangungunang Shell Velocity na may 9-3 panalo-talo at nakakasiguro na ng twice-to-beat advantage. Ang Red Bull ay may 6-5 record tulad ng Ginebra at walang larong Pop Cola Panthers.
Naging masaklap naman sa Thunders ang kanilang naging karanasan sa kanilang pagdayo sa Malolos, Bulacan sa isang out-of-town game kontra sa Sta. Lucia Realty.
Bukod sa nalasap na 85-95 pagkatalo kontra sa Realtors, napagnakawan din ang buong koponan sa kanilang tinutuluyang Barcie International Center.