Mananatili naman sa kontensiyon ang Ba-rangay Ginebra kung malulusutan nila ang kalaban sa pagbabalik aksiyon ng PBA makaraang mapahaba ang pagbabakasyon ng liga na nagbigay daan sa pagdaraos ng kapistahan ng mga yumao at naapektuhan ng nagdaang bagyong Senyang.
Makakasagupa ng Alaska Aces ang Batang Red Bull sa main game sa Araneta Coliseum sa dakong alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng pakikipagharap ng Gin Kings sa Mobiline Phone Pals sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Nakakatiyak na ng play-off ang Aces dahil sa kanilang taglay na 4-2 win-loss slate tulad ng Tanduay Gold Rhum sa likuran ng magkasalong lider na Red Bull Thunder at Phone Pals na parehong nakapagreserba na ng puwesto sa susunod na round.
Ang Ginebra na may isang panalo pa lamang sa 6-laro ay obligadong walisin ang kanilang huling tatlong games kabilang ang kanilang laban ngayon upang makahirit sa susunod na round.
Kung mainit na mainit ngayon ang Mobiline na nakapaglista na ng limang sunod na panalo ay taliwas naman ito sa tinatakbo ng kampanya ng Ginebra na galing sa dalawang sunod na talo.
Ibayong suporta ang kinakailangan ni import Bryan Green mula sa mga locals upang di matulad sa sinapit ng Shell Velocity na nasa bingit na ng pagkakatalsik sa kontensiyon sanhi ng kanilang 1-6 record.
Muli namang papangunahan ni import Todd Bernard ang Phone Pals tulad ng mga nakaraang tagumpay ng Mobiline.
Kung papalarin ang Alaska, ito ang kanilang ikaapat na sunod na panalo at kung papanigan naman ng suwerte ang Red Bull ay kanilang maitatala ang ikatlong sunod na panalo.
Kung magtatagum-pay ang Gin Kings ay makakatabla nito ang Pop Cola na may 2-5 kartada sa likod ng defending champion San Miguel Beer, Sta. Lucia Realty at Purefoods TJ Hotdogs na tabla sa 3-3 win-loss slate.