^

PSN Opinyon

Piso sa ICU

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

HABANG ang mga nasa kapangyarihan abala sa press release, ribbon cutting, at pagpapanggap na “umaangat ang ekonomiya,” milyon-milyong Pilipino naman ang tahimik na nilalamon ng gutom, utang, at desperasyon. Sa bawat pag­­bagsak ng piso kontra dolyar, parang may kamay na dumudukot sa bulsa ng mahihirap araw-araw, walang patawad.

Hindi na ito simpleng usapin ng pera. Usapin na ito ng buhay.

Kapag humihina ang piso, lahat tumataas. Langis. Bigas. Gamot. Pamasahe. Kuryente. Kahit sardinas at instant noodles na dating pantawid-gutom, unti-unti nang nagiging luho sa ibang pamilya. Ang dating isang libo, ngayon parang isangdaan na lang ang halaga. Ang sahod? Ganoon pa rin. Parang nakapako habang ang presyo ng bilihin rumaragasa na parang bagyong walang habag.

Sa mga komunidad na nasa laylayan, hindi “economic slowdown” ang tawag dito. Gutom ang tawag dito.

May mga pamilyang isang beses na lang kumakain sa isang araw para may maibaon ang anak. May mga ama na nagpapanggap nang busog para makakain ang pamilya. May mga inang umiiyak sa gabi dahil hindi nila alam kung saan kukuha ng pambayad sa upa, gamot, o matrikula. Habang sila nag-iisip kung paano mabubuhay bukas, ang gobyerno naman parang walang katapusang umutang na tila ba sariling pera nila ang isinusugal.

Trilyon na ang utang ng Pilipinas. Hindi milyon. Hindi bilyon. Trilyon!  At sino ang magbabayad? Hindi ang mga pulitikong nakangiti sa campaign poster. Hindi ang mga negosyanteng nagpapayaman habang may tax perks. Kundi ang ordinaryong Pilipino na kinakaltasan ng buwis kahit hindi sapat ang sinasahod para mabuhay nang marangal.

Mas masakit isipin na malaking bahagi ng pera ng bayan, napupunta lang sa pambayad ng interes. Interes pa lang, bilyun-bilyon na agad ang nawawala. Parang pamilyang baon sa loan shark hulog nang hulog pero hindi makaahon dahil tubo lang ang nababayaran.

Habang lumalaki ang utang, lalong sumisikip ang leeg ng mamamayan. Kaya nagtataas ng buwis. Kaya tumataas ang singil sa serbisyo. Kaya pilit pinapasan sa tao ang bigat ng kapalpakan at maling prayoridad ng mga nakaupo. Samantalang ang mga nasa itaas, tuloy lang sa convoy, travel, confidential funds, at pangakong “may pag-asa pa.”

Pero sa totoo lang, maraming Pilipino ang pagod na. Hindi lang pisikal. Pati kaluluwa pagod na. Pagod nang magtrabaho nang sobra pero kulang pa rin. Pagod nang mangutang para lang mabuhay. Pagod nang makarinig ng “gumaganda ang ekonomiya” habang laman ng kaldero ay asin at sabaw.

Ito ang pinakamapait na katotohanan habang ang mayayaman kayang sumakay sa pagtaas ng dolyar at krisis, ang mahihirap naman ang unang nilulunod nito. Sa bansang sagana sa likas na yaman at masisipag na tao, bakit tila habang tumatagal, mas lalong nagiging alipin ng utang at dayuhang ekonomiya ang sambayanan?

Kapag patuloy na bumagsak ang piso at hindi napigilan ang walang humpay na pangungutang, darating ang panahong hindi lang bulsa ang mawawasak pati kinabukasan ng susunod na henerasyon.

At kapag dumating ang puntong pati pag-asa mahal na rin bilhin, doon mo masasabi hindi lang piso ang bumagsak. Pati buhay ng ordinaryong Pilipino.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay komentaryong panlipunan at opinyon ukol sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa. Layunin nitong ipahayag ang hinaing at realidad na nararanasan ng maraming mamamayan at hindi upang manira o magpakalat ng maling impormasyon.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with