Jobless dumami maski lumago ang kalakalan

BALIK-ARAL muna sa Economics-1. Gross domestic product (GDP) ang kabuuang kinita ng lahat ng kumpanÂya at indibidwal sa loob ng bansa sa isang taon. Kung paghahatian ng mga mamamayan ang kabuuang kinita na ito, makukuha ang per capita income.
Ang GDP ng Pilipinas nu’ng 2013 ay halos $270 bilyon. Malaking lundag na 7.2% ito mula sa naunang taon, at pangalawang pinaka-mataas sa East Asia.
Kung idi-divide sa 100 milyong populasyon ang kabuuang GDP, lalabas na $2,700 o P121,500 ang per capita income ng Pilipino. Ibig sabihin nito ay mahigit P10,000 kada buwan ang kinita ng bawat Pilipino, bata o matanda, babae o lalaki. Sa karaniwang pamilya ng lima katao, ang buwanang kinita ay P50,000.
Pero ‘yan ay sa teyorya ng economics lamang. Sa totoong buhay, hindi kumita nang P50,000 kada pamilya kada buwan. Sa karaniwang pamilya, si Tatay lang ang may trabaho. Housewife si Nanay, at nag-aaral ang tatlong anak.
At hindi naman umabot sa P50,000 kada buwan ang pumasok sa pamilya. Baka ni walang P10,000 kada buwan. Sa huling survey nga lumabas na 12.1 milyong Pilipino ang walang trabaho, o 27.5% ng buong labor. Samakatuwid, isa sa bawat Pilipinong nasa edad maghanapbuhay ay walang kinikita.
Saan napunta ang $270 bilyon o P12 trilyong kinita ng bansa noong 2013? Malinaw na sa mga dati nang mayayamang indibidwal at kompanya. Samantala, batay din sa huling surveys, 55% o 11.8 milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila. At 41% o 8.8 milyong pamilÂya ang nagsabing kapos sila sa masaganang pagkain.
Konklusyon: Hindi patas ang lipunang Pilipino.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest