NOONG binabalangkas pa ang senatorial line up ng dalawang major political party, halos umaapaw ang aplikante. Pinag-usapan ang UNA at ang subok na drawing power at positibong epekto ng endorsement ng 3 Kings na sina Erap, Binay at JPE. Siyempre, pinaglalabanan din ang slot sa ticket ng administrasyon dahil sa pakinabang ng makinarya ng gobyerno (na dapat bantayan dahil hindi ito dapat sinasamantala para sa pribadong interes).
Kung inaakalang binakuran na ng Liberal Party ang mayorya ng pwesto sa tiket ng administrasyon, marami ang nabigla gayong tatatlo lang pala ang kandidato nito sa ticket. Ang lehitimong miyembro lang ng Liberal Party ay si Jun Magsaysay. Sina Paul Aquino at Jamby Madrigal ay sumapi sa partido last week para lamang mapabilang sa line up ng Presidente. Kung si Speaker Joe de Venecia noon ay may “rainbow coalition” ng mga dating oposisyon kay President Ramos na biglang sumuporta rito (at naging ugat ng LAKAS party), ang administration line-up ay maituturing na “Kaleidoscope coalition” na mas marami pa ang kulay at katwiran.
Ang pagbuklod ng mga dating magkalaban ay hindi naman masamang bagay sa pulitika. Sa isang panig, matatawag itong reconciliation na magbubunga ng bago at higit na produktibong samahan. Ngunit nariyan rin ang pananaw na tanging ang mga oportunista na hindi pala seryoso sa mga pinaninindigan ang mabibiyayaan.
Ang problema ay may common candidate ang dalawang ticket – sina Senador Loren Legarda (NPC) at Chiz Escudero (Independent), at si Gng. Grace Poe-Llamanzares (Independent) na binalaan na ng Administrasyon na bawal silang tumindig sa entablado ng UNA. At ganoon na nga ang nangyari nang wala ni isa sa kanilang tatlo ang nakisabay sa team filing ng UNA Senatorial ticket at sa halip ay sa LP-Akbayan-NP-NPC proclamation nagpunta.
Napakadali sana ng buhay kapag huli ng tatlo ang suporta ng magkalabang mga partido. Subalit hindi nga naman tama kung tatanggapin nila ang tulong ng UNA na wala naman silang sinusukliang suporta o pasalamat man lang sa kampanya. Ika nga ni Vice President Jojo Binay, hindi tama yan. Kung ganoon ay tiklop na ang suporta sa kanila ng UNA. “Fair is fair”.
We agree.
* * *
Happy Birthday sa isang subok, nirerespeto at hinahangaang lingkod bayan ng Maynila, ang 5 time City Councilor from Sampaloc na si Konsehal Edward VP. Maceda.