TUMPAK lamang ang ginawa ng Philippine National Police (PNP) na pagkansela sa lisensiya ng baril nina Robert Blair Carabuena at Allan Bantiles. Hindi sila dapat mag-ari ng baril. Ang mga katulad nila ay hindi dapat iniisyuhan ng lisensiya sapagkat malalagay sa panganib ang buhay ng kanilang kapwa. Marami nang nasayang na buhay dahil sa mga taong hindi dapat nagmay-ari ng baril. At kung may mga katulad pa nina Carabuena at Bantiles, hindi magkakaroon ng kapanatagan ang buhay sapagkat laging may banta ng karahasan.
Ayon kay Chief Supt. Raul Petrasanta, Director ng Firearms and Explosive Division ng PNP, kinansela nila ang lisensiya nina Carabuena at Bantiles dahil sa kasong panunutok ng baril na kinasangkutan ng mga ito. Sinampahan ng kaso ang dalawa sa magkahiwalay na insidente. Mabilis ang aksiyon ng PNP sa ginawang panunutok ng dalawa.
Si Bantiles ay ipinagharap ng reklamo ng isang estudtante ng Colegio de San Agustin makaraan itong tutukan ng baril sa loob mismo ng eskuwelahan. Ang mga baril ni Bantiles, ayon sa PNP na inalisan ng lisensiya ay Glock 9mm at Colt 45 caliber pistol. Ayon sa biktima, tinutukan siya ng baril ni Bantiles noong Agosto 30, makaraang siya at anak ng nanutok ay nagkaroon ng pag-aaway. Gumanti umano ang biktima sa anak ni Bantiles dahil sa pambu-bully nito. Sinuntok umanoi ng biktima ang anak ni Bantiles. Nang malaman ni Bantiles ang pangyayari ay pinuntahan sa school ang nanuntok sa anak at tinutukan ng baril. Takot na takot ang biktima dahil sa panunutok ng baril.
Samantala, kinansela ang lisensiya ng baril ni Carabuena matapos tutukan ang isang MMDA traffic enforcer. Bago ang panunutok, sinampal muna ni Carabuena ang traffic enforcer. Nag-ugat ang insidente nang parahin ng enforcer si Carabuena dahil sa paglabag sa trapiko. Bumaba si Carabuena at sinampal ang enforcer at tinutukan ng baril.
Nakakatakot kung ganitong mga tao ang nabibigyan ng lisensiya ng baril. Maraming mamamatay nang walang kalaban-laban. Tama ang hakbang ng PNP na pagkansela sa lisensiya at sana ay ganito rin ang gawin nila sa iba pang “makakati ang daliri sa gatilyo”.