'Gold Bar'

MULA Maynila tinungo ng BITAG kasama ang mga operatiba mula sa NBI ang kinaroroonan ng mga mi-yembro ng sindikato sa Iba, Zambales.

Pakay ng grupo na tugisin ang mga itinuturong mi-yembro ng sindikato sa Gold Bar na sa ngayon ay nambibiktima na rin dito sa Pilipinas.

Itinuturing na international modus ang estilo ng Gold Bar scam dahil naging laganap ang ganitong estilo sa U.S., Iraq, China at Africa mula pa noong dekada singkwenta.

Karaniwang mga negosyante at maperang taong   mula sa probinsiya ang pinipiling biktima ng mga miyembro nito.

Dumulog sa tanggapan ng BITAG si Rose para isumbong ang panggagantsong naranasan sa mga kamay ng sindikato ng Gold Bar.

Ayon kay Rose, isa sa mga kaibigan niya ang nagkumbinsi sa kanyang magbuy and sell ng gold bar.

Dahil na rin sa paghahangad ng agarang pagyaman kaya naman nagawa ni Rose na pakawalan sa unang transaksiyon pa lamang ang halagang P100,000 kapalit ng kalahati ng isang pirasong gold bar.

Ang siste, modus ng mga putok sa buho na magtahi ng iba’t ibang kuwento at papaniwalain ang napiling biktima na totoo ang mga gold bar nilang hawak.

Kaya’t sa oras na kumagat ang biktima sa paing istorya ng mga dorobo, hindi nila ito titigilan bago pa sila magising sa katotohanan na nalimas na ang lahat ng kanilang pera.

Laking pagsisisi ng biktimang si Rose nang madis­kubreng ang ibinibidang hawak na gold bar ay peke lang pala.

Sa halip na sa ginto ito gawa, isang blokeng tanso lamang pala ang kanyang nabili sa mga dorobo.

Agad na inilapit ng BITAG ang kaso ni Rose sa Anti-Fraud Division ng NBI para masusi itong mapag-aralan.

Matapos mapag-aralan ang lahat ng detalye, mai-ngat na pinlano ng NBI ang isasagawang entrapment operation sa miyembro ng sindikatong panay pa rin ang pagkontak kay Rose.

Panoorin mamayang gabi sa BITAG sa TV 5 ang kabuuang pagdodokumento ng operasyon para masakote ang mga miyembro ng Gold Bar syndicate. 

* * *

Para sa inyong mga sum­bong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Show comments