KUNG laging may pulis na nagpapatrulya, mapi-pigilan ang anumang masamang balak ng mga masasamang loob. Hindi sila basta-basta makakagawa ng krimen. Katulad ng ginagawa ngayon ng riding-in-tandem na tila laruan na lamang sa kanila ang pagpatay.
Ang riding-in-tandem ang isa sa mabigat na kalaban ng mga pulis sa kasalukuyan. Walang takot pumatay ang riding-in-tandem maisakatuparan lamang ang kanilang masamang balak. Luminya na sa panghoholdap ang riding-in-tandem. Nanghoholdap ng convenience store, gasolinahan, drugstore, pawnshop at iba pa. Ngayon pati bata na naglalaro ng PSP ay pinapatulan na rin. At karamihan sa sumasalakay na riding-in-tandem ay hindi nahuhuli. Madali nilang natatakasan ang mga alagad ng batas na ningas-kugon ang ginagawang pagpapatrulya.
Marami nang nagawang malagim na krimen ang riding-in-tandem at sa kanilang pagsalakay lagi nang walang pulis na nakahabol sa kanila. Kagaya nang nangyaring panghoholdap at pagtambang ng riding-in-tandem sa mag-anak sa San Marcelino St., Maynila noong Sabado ng gabi. Galing sa pagpapalit ng pera sa Ermita ang mag-anak nang sundan ng riding-in-tandem. Binaril ng holdaper ang gulong ng SUV. Ganunman naimaneho pa rin ito ng ama kahit flat ang gulong pero inabutan sa stop light at doon na pinagbabaril ang mga nasa loob. Namatay ang ama at nakatakbo naman ang asawa at anak nito. Natangay umano ng riding-in-tandem ang P1-milyon na nasa bag.
Mabilis na nakatakas ang riding-in-tandem. Walang pulis na nakadalo man lang.
Nang hablutin ng riding-in-tandem ang PSP ng isang estudyante sa Taguig, wala ring pulis sa lugar. Binaril ang estudyante makaraang makipag-agawan sa PSP. Namatay ang estudyante na isa pa namang honor student.
Alam namin na kaya ng PNP na lipulin ang riding-in-tandem. Magsagawa lamang sila ng regular na pagpapatrulya, tiyak na mawawala na ang mga salot na ito sa lansangan. Presensiya nila ang mahalaga.