Hulidap ang lakad ng CIDG-Cabanatuan

SA kanayunan tradisyon na ang pagdaraos ng kapistahan kaya kahit sa ilegal na pamamaraan kumakapit ang ilang barangay official upang makalikom ng pera. Nariyan ang pasayaw ng barangay, peryahan at tupada upang ang kikitain ay maipapremyo sa singing contest, beauty pageant at pagandahan ng karosa. Itoy upang mabigyan ng kasiyahan ang mga residente ng mapawi naman ang hirap sa pagsasaka at pangigisda. Pampabuwenas din umano ang paghahanda tuwing pista dahil gagabayan sila sa mabuting ani ng kanilang patron. Ganyan umiikot ang buhay-buhay ng mga taga-nayon na binabalikat ng mga magigiting nating barangay official.

Katulad na lamang sa Bgy. San Vicente, Cabiao, Nueva Ecija na nagpatupada sa kanilang barangay para makalikom ng pera para sa pista nila sa April 8-9. Maganda naman umano ang usapan ng pulisya at may patupada matapos na maka-pagtimbre ng P5,000 sa buong araw ng Linggo. Kaya ang lahat ay kampanteng nagbitaw ng panabong na ginanap sa isang tagong lugar. Ngunit ng sumapit ang ala-una ng hapon, biglang nagdatingan ang mga kawatan este mga Criminal Investigation and De­tection Group na nakabase sa Cabanatuan City. Dinakma na walang puknat ang mga datung sa kamay ng mga sabungero. Marami ang nabalian sa katatakbo at ang iba ay nagkapasa-pasa ang katawan. Kinuha rin ang pera sa kamay ng mga mananaya. Ang masakit pa, walang hinuling sabungero ang mga taga-CIDG. Bago lumayas, tinangay ang 10 manok na panabong. Susmaryusep CIDG chief Director Samuel Pagdilao, pakiimbestigahan nga tong nangyari sa Bgy. San Vicente. Dahil sa tingin ng mga residente roon hulidap lamang ang lakad ng CIDG-Cabanatuan City. Kung lihitimo ang kanilang operation dapat kinumpiska nila ang mga tari at hinuli ang mga sabungero upang di na pamarisan ng iba pang kalapit na barangay. Mukhang taliwas ito sa iyong mandato na “no take policy”. Bakit ang jueteng sa naturang lugar ay hindi nila masawata, may katotohanan kaya na pasok na ng intilihensya sa kanilang hepe?

PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome, isang kasamaan na naman ng mga pulis mo ang ipinakita sa Bgy. San Vicente na dapat mong tutukan. Dahil kung magpatuloy itong masamang gawain ng pulis sa kanayunan lalong bababa ang pagtingin ng sambayan sa imahe ng PNP. Kilos na Gen. Bartolome at Gen. Pagdilao, ipatapon mo sa Mindanao ang mga sangkot sa hulida.

Show comments