Ulilang graduation

Si Jose ay batang lumaki sa gutom

Pagka’t nag-iisa sa bahay na karton;

Kanyang ama’t ina’y tagal nang yumaon

Kaya nabuhay s’yang nagsosolo ngayon!

Kahi’t nag-iisa siya ay masinop

Hindi niya pansin ang dusa at lungkot;

Sa dinaraana’y kanyang pinupulot –

Mga pako’t bakal, yerong kakarampot!

Kahi’t siya’y dukha sinisikap niya

Laging makapasok sa munting eskwela;

Wala siyang baon kahi’t isang pera

Kahi’t nagugutom nagtitiis siya!

Matapos ang klase siya’y nagdaraan

Sa bahay ni Beho – kanyang kaibigan;

Doo’y kinukuha kanyang napagbilhan

Ng kahi’t na anong napulot sa daan!

Mag-asawang Intsik wala namang anak

Katulong si Jose kapag nagbubuhat;

Habang gumagawa siya’y nagsisikap

Ang mga aralin kanyang hinaharap!

Kahi’t batambata kanyang binabata

Ang hirap at sakit ng isang ulila;

Kanyang pag-aaral pinagbuti niya

Kaya sa graduation siya ay kasama!

Hindi man mataas ang nakuhang grado

Sa lahat ng Grade Six siya ay pangatlo;

Mag-asawang Intsik ay natuwa rito –

Pag-aaralin siya hanggang sa kolehiyo!

Nagulat ang kanyang guro at principal

Kahit na ulila, damit ay makinang;

Pantalon at Barong ay nagkikislapan

Hindi na halatang siya’y pulubi lang!

Mayama’t mahirap kaklase ni Jose

Nagsilapit lahat at siya’y binati;

Nabuhay sa kanya magulang na api –

At doon sa langit sila’y nakangiti!

Show comments