Editoryal - Hustisya kay Fr. Tentorio
BAKIT pati pari ay walang awang pinapatay? Ito ang tanong makaraang patayin ang Italian priest na si Fr. Fausto Tentorio. Pati alagad ng Diyos ay hindi na iginalang. Nakaaalarma na ang nangyayaring ito na balewala na kung utangin ang buhay. Kung ang isang alagad ng Diyos ay naaatim barilin, paano pa ang isang karaniwang mamamayan. Wala na nga yatang ligtas na lugar sa panahong ito.
Malagim ang pagkakapatay kay Fr. Tentorio sapagkat sa mismong compound ng kumbento siya binaril. Ayon sa mga nakasaksi, sasakay na sa kanyang pickup ang pari nang lapitan ng lala-king naka-crash helmet at binaril ng walong beses. Makaraan ang pamamaril, walang anumang naglakad ang gunman patungo sa naghihintay na motorsiklo at mabilis na tumakas. Isinugod ang pari sa malapit na ospital subalit patay na. Si Tentorio ang ikatlong pari na pinatay sa Mindanao sa loob ng 26 na taon.
Blanko ang pulisya kung sino ang pumatay o nagpapatay sa pari. Gayunman, sinabi ng pulisya na maaaring may kaugnayan sa pagmimina ang dahilan kaya pinatay ang pari. Isa umano si Tentorio sa mga tumututol sa pagmimina sa Arakan, North Cotabato.
Ang pagpatay kay Tentorio ay isang malaking hamon sa Philippine National Police. Tugisin ang mga pumatay sa kanya. Hindi dapat maibilang sa mga unsolved na krimen ang nangyari sa pari. Ipagkaloob ang hustisya kay Fr. Tentorio sa lalong madaling panahon.
Kung may katotohanan na ang pagmimina sa Arakan ang isa sa dahilan kaya pinatay ang pari, halukayin ang isyung ito. Umano’y marami na ring pagbabanta ang ginawa sa pari. Mula pa umano noong 2006 ay pinagbantaan na itong papatayin. Nakaligtas lamang umano ang pari dahil pinagtago siya ng mga residente sa cabinet.
Nararapat isilbi ang hustisya. Ang pagpatay kay Fr. Tentorio ay hindi dapat matulad sa iba pang kaso na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.
- Latest
- Trending