Pay now, fly later

INUMPISAHAN na sa Mababang Kapulungan ang matagal nang inaabangang congressional hearings sa mga bisyo ng Foreign at Local Airline companies na nakakaperwisyo sa pasaherong Pilipino. Marami sa mga kongresista ang lingguhan ang paglipad pauwi sa kani-kanilang probinsiya kaya exposed sila – personally o kaya’y sa sumbong ng kanilang mga botante – sa umaapaw nang reklamo laban sa panlalamang ng mga higanteng kumpanya. Ang nang-yaring wildcat strike ng mga empleyado ng PAL ay pinaka-huli lang sa litanya ng mga kailangang tiisin ng pobre at walang kalaban-laban na lipunan sa kanilang mga walang konsiderasyon na kamay.

Flight delays and cancellations, nawawalang bagahe, bastos na empleyado lalo na sa mga pasaherong OFW, masisikip na upuan, pangit na pagkain. Mula nang nag-umpisa ang negosyo ng paglipad ng pasahero, karaniwan na at hindi siguro maiwasan ang ganitong mga reklamo. Subalit may isang nakapeperwisyong gawain ang Airline companies na maaring maiwasan – ito ay ang pagpasobra ng benta ng ticket sa bilang ng upuan o “overbooking”.

Dahil sayang ang kikitain kapag lumipad ang eroplano nang may bakanteng puwesto, sadya silang nagbebenta ng sobra at sumusugal na lang na may hindi sisipot o kung sumipot man lahat ay may mapapakiusapan silang sumakay na lamang sa susunod na biyahe. Sorry na lang kung sa flight mo natapat ang overbooking – kahit may importante kang appointment, negosyo man o kalusugan – iiwan ka pa rin ng eroplano. Hindi ito dapat ginagawa dahil bayad muna bago ticket. Hindi naman Fly Now, Pay Later. Kapag napuno na ang mga upuan at merong hindi sumipot, problema yon ng pasahero. Basta bayad na ang eroplano. Kaya bakit nila ibebenta pa ng pasobra?

Katwiran nila’y karaniwan na itong pinapayagan sa buong mundo, maging ng sarili nating batas sa Pilipinas. Dito sila nambobola. Sa Europe, malaki ang penalty ng overbooking, delays at cancellations. At walang mambabatas na papayag isabatas ang ganitong gawain. Sa regulasyon lang ng Civil Aeronautics Board – hindi sa batas – nakasandal ang kanilang awtoridad.

Napapanahon ang mga hearing ng House Committee on Transportation sa pangu-nguna ni Cong. Roger Mercado. Sana’y may ibunga itong magandang kompromiso nang mabigyang ginhawa ang matagal nang ina­abusong pasaherong Pilipino.

Show comments