KUNG paniniwalaan ang mga nilalantad ngayon ni Lintang Bedol, malaking kaso kaagad ito para sa maraming tao, kasama si dating Pres. Gloria Arroyo. Ayon sa dating Comelec election supervisor ng Maguindanao, nagkaroon nang malawakang pandaraya noong 2004 at 2007 elections, kung saan pinaboran ang dating presidente at kanyang mga kandidato para sa Senado. Ayon kay Bedol, noong 2004 tiniyak na malaki ang lamang ni Arroyo sa kanyang kalaban na si Fernando Poe, Jr. Sa sikat na “Hello Garci” tapes, ilang beses nabanggit ang pangalan ni Bedol sa usapan nila. Mukhang siya ang tagapatupad ng mga pandaraya sa probinsiya. Ngayon, gusto nang mapasailalim sa witness protection program ng gobyerno, dahil ayaw mangyari sa kanya ang nangyari raw kay Alioden Dalaig, isang abogado ng Comelec. Pinatay si Dalaig noong 2007. Ito raw ang tunay na dahilan kaya siya nagtago ng apat na taon.
Pero kung matagumpay siyang nagtago ng apat na taon, bakit pa niya kailangan ang witness protection kung hindi nga siya mahanap noon ng mga awtoridad? Ma-galing siya magtago, o magaling ang nagtago sa kanya. Kaya dito hinog ang hinala na ang mga Ampatuan ang nagtago sa kanya. Noong panahon ng halalan ng 2004 at 2007, ang mga Ampatuan ang pinaka-makapangyarihang pamilya sa Maguindanao o sa buong ARMM. Kaya may kakayanan silang itago si Bedol nang mga panahong iyon.
Ayon kay Dean Amado Valdez, sapat na raw ang mga nilalantad ni Bedol para kasuhan si dating President Arroyo at dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. ng electoral fraud. Kaya may hamon na kay Arroyo na harapin ang mga paratang sa kanya – gulo sa PCSO, gulo sa halalan, gulo sa lahat! Haharapin naman daw ni Arroyo ang lahat, pero sa korte raw sa media at hindi sa Senado o Kongreso. Kaya naman tinitimbang nang husto ng Palasyo ang mga pahayag ni Bedol ukol sa pandaraya na naganap sa nakaraang dalawang eleksyon, sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Huwag isantabi ang mga hinala na ang lahat na ito ay planado na ng mga Ampatuan para guluhin ang mga kaso laban sa kanila. Parang masyado naman kasing tumpak ang mga pahayag ni Zaldy Ampatuan at ang paglutang ni Bedol. Ika nga, baka kur-yente. Nilinaw na ni President Aquino mismo na hindi tatanggaping state witness si Zaldy, pero hahayaang magsalita ukol sa anuman ang nalalaman niya, partikular sa pandaraya. Kung talagang gusto nina Zaldy at Bedol na ilabas ang lahat ng katotohanan, sabihin na lahat kahit walang kapalit.