DAHIL nalalapit na ang laban ni Manny “Pacman” Pacquiao at Shane Mosley ngayong darating na Mayo 7, 2011bibigyan din namin kayo ng update tungkol sa naisulat naming artikulo na aming pinamagatang “Sa-pakman’.
Ang binansagang “Sa-Pakman” ay si Reynold “Ren” Dionido. Sa lakas ang kamao nitong 21 anyos tulog ang 36 taong gulang na mama dahil lang umano sa isang ‘upper cut’ sa kanang panga.
Ika-13 ng Enero ng mapasugod sa aming tanggapan si Ren kasama ang kanyang inang si Florentina Toralba o “Bing”. Ang isang patikim na sapak kasi ni Ren ang naging dahilan para siya’y humarap sa isang mabigat na kaso. Ang ‘Frustrated Murder’.
“Hindi naman ako si superman na isang suntok lang nakakabasag na ng bungo! Imposibleng mangyari yan…” paliwanag ni Ren.
Si Ren ang dinidiin ngayon ng kanyang kapit bahay na si Sergio Unite. Dating gwardiya sa Maricaban, Pasay City. Ang pagpasok ni Ren sa mundo ng mga ‘dancers’ at ‘rappers’ ang naging dahilan para isentro ang kanyang buhay sa mga kaibigan.
Sa isang pagbabalik tanaw muli naming ilalahad kung paano nagsimula ang alitan sa pagitan ni Ren at nitong si Sergio.
Ika-28 ng Nobyembre 2010, katatapos lang ng binyagan ng anak ng kaibigan ni Ren na si “Jason’. Alas-singko ng hapon nang mag-inuman si Ren, ‘Oying’, ‘Rowell’, at ‘Anthony.
Naubusan ng yelo para sa alak. Si Oying ang nautusang bumili sa katabing tindahan.
Nagulat ang lahat ng pagbalik ni Oying galit na ito. “Ayang si Sergio… pinaparinggan na naman ako! Hinahamon pa ’ko! Lalabasan ko na yan pare, papatulan ko na yan!”, sabay lapag ng yelo sa mesa.
Nalaman nila Ren na kinantsawan na naman nitong si Sergio si Oying. Si Sergio kasi umano ang masugid na manliligaw ng 17 anyos na ‘girlfriend’ ni Oying na tinago namin sa pangalang, “Carmy”.
“Sa akin din mapupunta yang si Carmy. Tambay ka lang kasi. Hindi
siya mabubuhay,” umano’y pasaring ni Sergio kay Oying.
Nagpanting ang tenga ni Oying kaya’t nagkasagutan sila. Nanghamon umano si Sergio. “Kung talagang matapang ka…suntukan tayo. Malakas lang naman loob mo dahil nandyan mga barkada mo! Baka hindi mo alam magaling ako sa ‘martial arts’!”
Pakiramdam ni Oying pinamumukha nitong sigang si Sergio na matapang lang siya dahil sa barkada. Nagsumbong si Oying kina Ren. Hinarap niya si Sergio. Damay na lahat… sumunod sina Ren. Sa poso sila nagtuos.
Si Ren ang tumayong taga-awat. Mas umusok ang ilong ni Sergio… hinamon niya ang mga binatilyo, “Oh! Asan na ang tropa mo? Bakit di kayo sumugod dito?”
Lumapit si Ren hindi umano para sapakin itong mama kundi para awatin daw siya. Inakala ni Sergio na tutuluyan siya nitong si Ren. Nadulas siya sa posohan ng biglang mapaatras.
Dahil may tama na ng alak nawalan siya ng balanse, natumba’t tumama ang ulo sa ‘gutter’. Agad siyang nawalan ng malay.
Mabilis na sinugod sa Ospital ng Maynila si Sergio. Kanya-kanya namang takbo palayo si Ren at mga kasama.
Naging usap-usapan ang nangyaring insidente. Ang masama, si Ren ang tinuturong salarin ng pagkakabagok ni Sergio. Sinuntok umano niya ito.
Isang linggo naman na-confine sa ospital itong si Sergio. Masama kasi ang pagkabagok ng ulo niya sa semento na nagresulta ng pamumuo ng dugo sa ulo nito (cerebral hemorrhage).
Ito ang sanhi kung bakit nag-‘file’ ng kasong ‘frustrated murder’ ang ina ni Sergio na si “Narcisa” sa Prosecutor’s Office, Pasay.
Maliban sa kasong kinakaharap ni Ren, ang umano’y ‘death threats’ mula sa mga kaanak ni Sergio ang nagbunsod kina Ren at inang si Bing na magpunta sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Ren.
Sa tulong ni Atty. Alice Vidal. Ang president ng UE Law Alumni at Head ng Bar Discipline ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) inasistehan si Ren sa kanyang Kontra Salaysay.
Ika-11 ng Pebrero 2011 nang ilabas ang resolusyon ng kaso. Na-dismiss ang kasong “Frustrated Murder”. Hindi nakitaan na meron talagang intensyon si Ren na patayin si Sergio. Ito ay dahilan lamang ng nangyaring tulakan at kaguluhan. Nakitaan naman ng taga-usig na si Senior Assistant City Prosecutor Artemio T. Puti ng ‘probable cause’ ang kaso para masampahan ng Less Serious Physical Injuries si Ren.
Para naman maging lubusan ang aming pagtulong inirefer namin si Ren kay Atty. Randy Basa ng Public Attorney’s Office (PAO) para maapela ang kasong Less Serious Physical Injuires.
Mariing sinasabi ni Ren na ang lahat ay isang aksidente lamang at ang nangyari kay Sergio ay bunsod ng pagkadulas niya.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog sa aming landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Email: tocal13@yahoo.com