KUNG ano ang ginagawa ng pinuno, siya ring ginagawa ng tauhan. Ganyan ang nangyayari sa Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Merceditas Gutierrez. Si Gutierrez ay nahaharap sa impeachment at huhusgahan ng mga senador sa Mayo. Nagpabaya si Gutierrez at maraming inupuang kaso --- NBN-ZTE deal, MegaPacific deal, Euro general controversy at ang mahiwagang kaso ng pagkamatay ni Navy ensign Pestaño. Walang naaksiyunan sa mga nabanggit kaya naman ito ang naging basehan para pagbotohan ng mga kongresista at nanalo ang “yes” para dalhin sa Senado ang kaso. Lilitisin na si Gutierrez sa kanyang pagpapabaya at hindi pag-aksiyon.
Hindi naman kataka-taka na maging mabagal din ang tauhan ni Gutierrez sa pagbibigay ng desisyon sa mga kasong nakasampa. Kung ano ang ginagawa ng pinuno, ginagawa rin ng tauhan. Ganyan ang ginawa ni Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III. Dahil sa mabagal na pagdedesisyon ni Gonzalez sa kaso ng police officer na nanghostage ng Hong Kong nationals noong Agosto 23, 2010, inalis siya ni President Noynoy Aquino sa puwesto. Pero sa aksiyon ni P-Noy, tila gusto pang pumalag si Gutierrez. Ibig pa yatang ipagtanggol ang tauhang si Gonzalez.
Siyam na buwan na inupuan ni Gonzalez ang kaso ni Captain Rolando Mendoza. Naghintay si Mendoza sa desisyon ni Gonzalez pero walang desisyon na lumabas. Si Mendoza at ilan pang pulis ay kinasuhan ng extortion. Inalis sa puwesto si Mendoza. Ang pangyayaring iyon ang sinasabing nagtulak kay Mendoza para mang-hostage. Walong turista ang kanyang napatay. Nilusob ng SWAT ang bus at napatay din si Mendoza.
Kung maagang naaksiyunan ng Deputy Ombudsman ang kaso ni Mendoza, maaaring hindi nito nagawang mang-hostage. Wala sanang namatay. Wala sanang problema sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong.
Dapat lang alisin sa puwesto si Gonzalez. Tama lamang ang aksiyon ng presidente na alisin ang mga hindi ginagampanan ang tungkulin. Ang mga tanod ng mamamayan ay hindi dapat nagpapabaya.