Nitong huli lang ay si world boxing champion at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang nagpahayag ng kanyang intention na magpatayo ng kaunaunahang pampublikong ospital sa kanilang lalawigan dito sa timog Mindanao.
At magandang simula na rin ang pagkuha ni Pacquiao ng pitong ambulansiya na magagamit sa kanyang proyektong ospital. Nangangalap pa ng karagdagang pondo si Pacquiao upang masimulan na ang konstruksyon ng nasabing ospital.
Ang pagpatayo ng isang pampublikong ospital ay ginagawa sa pamamagitan ng isang batas sa Kamara de Representates. Kaya ang itatayong tertiary hospital sa Sarangani ay maging ‘Batas ng Pambansang Kamao’ aka.. ‘Batas ni Pacaquiao’.
Ngunit ang malaking tanong ay hanggang batas lang ba ang ganitong mga ospital? At karamihan sa kanila ay hindi nakausad at nagsasara dahil sa kakulangan sa budget sa gamot at maging sa kagamitan at para sa sahod ng mga doctor, nurses at ibang medical personnel nito upang ang mga ito ay patuloy na makapaglingkod sa ating mga kababayan.
Paano kung wala na si Pacquiao na madaling makapagpangalap ng pondo? Makakapagpatuloy pa kaya sa pagbibigay ng serbisyo ang kanyang pet project na ospital?
Ito rin ang naging problema ng Southern Philippines Medical Center dito sa Davao City na dati ay tinawag na Davao Medical Center. Ayon sa Republic Act 09792, ang dating 600 bed capacity ng DMC ay dinagdagan at naging 1,200 beds na ngayong SPMC na ito. Ngunit ayon kay Dr. Leopoldo ‘Bong’ Vega, naging malaking problema nila ngayon ang funding para sa pagpatupad ng RA 09792 dahil nga dapat na umabot sila ng 1,200 bed capacity. Saan kukuha ng pera ang SPMC para sa papalaki ng ospital na ngayon ang siniserbihan ay hindi lang taga-Davao City ngunit maging ang mga taga iba’t-ibang bahagi ng timog Mindanao, mapataga- Cotabato, Bukidnon, Butuan at iba pa.
Paano na lang ang ibang mga government hospitals na pinapatakbo ng Department of Health at maging ng mga local government units na wala naman talagang kakayahan sa para pondohan ang operation ng nasabing mga ospital. Hanggang batas lang, eh, wala namang pondong nakalaan para sa mga nasabing ospital. Ito yong mga tinatawag na ‘unfunded hospitals’.
Hindi na nakapagtataka na maraming public ospital na nagsasara sa kanayunan. Dahil nga sa kakulangan sa pondo kahit na sila ay binuo sa kung anumang batas. Dapat nga din sana lakihan na ang budget sa mga nasabing government hospitals sa mga pinakamahirap na mga lugar sa bansa gaya ng Autonomous Region for Muslim Mindanao. Alalahanin sana ng ating pamahalaan na karamihan sa 20 na mga pinakamahirap na probinsiya sa bansa ay nasa Mindanao.
Health Sec. Ona, puwedeng unahin muna ninyo ang pag-review kung paano pinatatakbo ang mga public ospital natin sa bansa. Dapat din sigurong busisiin uli ang pinaglalaanan ng DOH budget natin. At nang sa gayun ay mahinto na rin ang pagsagawa ng marami pang batas para sa pagpatayo ng mga public hospitals na hanggang papel lang. Dapat maisiguro ng ating mga health officials na ang hospital services ay maging ‘affordable and of acceptable quality’ para sa mas nakararami nating mga naghihikahos na mga kababayan lalo na sa mga kanayunan at mga mahihirap na mga lalawigan gaya ng nasa Mindanao.