SA Amerika noong panahon ng mga cowboy, ang pagnakaw ng kabayo ay krimeng may kaparusahang kamatayan.
Wala pa noong mga makina at steam engine — kabayo ang tanging pamamaraan ng transportasyon. Kung nais mong makipagsapalaran, kapag wala kang Horsie, hindi mo mabubuno ang milya-milyang layo ng distansyang namamagitan sa mga bayanan. Para ka na ring pinilayan kapag ninakawan ng kabayo at kung nataon na maiwan ka sa lugar na walang malapit na takbuhan ng saklolo – siguradong todas ka.
Kaya walang pakundangang binibitay ang mga nahuhuling Horse-Jackers. Nais ng Amerika noon na walang masanay sa ganitong krimeng madaling gawin subalit malaki ang pahirap sa tao.
Ang kabayo ay pinalitan ng kotse bilang pangunahing kagamitang pantransportasyon. Hindi ito kasing kritikal ng kabayo dahil kasabay nito ang progreso at urbanisasyon na nagpalapit ng mga komunidad sa isa’t isa. Kung wala kang sasakyang pribado, meron namang sasakyang pampubliko. At hindi na milya ang distansya sa pagitan ng mga sibilisasyon – malayo na ang kilometro. Di tulad ng pagnakaw ng kabayo noon, ang pagnakaw ng kotse ay hindi na pinaparusahan ng kamatayan o panghabambuhay na bilanggo.
Sa kabila nito, ang carjacking ay isa pa ring krimen na malaki ang pahirap. Mataas ang insidente na may nadadamay. Kung hindi ang driver o pasahero na lulan pa ng sasakyan, ang publiko naman ang damay lalo’t kapag makipaghabulan ang pulis. Ang kotse ang pinakamala-king kagamitan ng tao na maaring nakawin – na ipinundar nang malaking halaga ng may-ari.
Kaya napapanahon ang panukala ni Senador Chiz Escudero na muling gawing capital crime ang carnapping at carjacking. Sa ngayon kasi ay maari mo pa ngang pagpiyansahan ang carnapping! Gaya ng Dominguez brothers na may nakasampang 20 kaso ng carnapping, kung bailable naman pala eh di magbayad ng bail. Pansamantala, tuloy ang ligaya. Nawawala ang epekto ng kaparusahan bilang panakot sa mga magtatangka.
Ang carnapping ay hindi karaniwang krimen. Napakadali nitong mag-gradweyt sa mas grabeng pagkakasala sa mismong kaligtasan ng tao. Ani Senador: ‘Logically and naturally, you will not use your own vehicle if you plan to commit a crime. Gun-runners, robbers, drug traffickers have always been found to use a get-away vehicle snatched from other innocent individuals”.
Kailangan natin ang ga-nitong matinong solusyon nang mas maagang maibalik ang kumpiyansa ng tao sa seguridad ng pamumuhay sa Pilipinas.