NAPAKA-TINDI ng korapsiyon sa India, tulad sa ibang mga atrasadong bansa sa Asia, Africa at Latin America. Iba’t iba ang paraan ng paghingi ng suhol para kumilos ang ahensiya ng gobyerno: Lantarang pangingikil, pagpaparinig lang, o pag-ipit ng hinihinging lisensiya. Ano man ang estilo, ang pinaka-nasasaktan ng katiwalian ay ang mahihirap. Aba’y pati sa pagpapakain sa maralita, humihingi ng lagay para ilista ang pakakainin, kaya ang mga may pansuhol ang nakikinabang— at ang wala ay gutom.
Gan’un din sa Pilipinas. Kahit ano’ng kilos, may “tong-pats.” Kapag hinuli ng pulis o nagre-renew ng driver’s license, lagay. Kapag naglalakad ng pensiyon o retirement benefit, gan’un din. Kapag nagdedemanda para sa hustisya, suhol pa rin. Kung walang pansuhol dahil maralita — 35% ng populasyon — walang mahihitang serbisyo mula sa gobyerno.
Nitong Independence Day nila, Aug. 15, 2010, nilunsad ng people-power group na Janaagraha sa India ang kakaibang kampanya kontra katiwalian. Sa “Nanuhol Ako,” hinihikayat ang mga mamamayan iulat kung sino’ng opisyal, ano’ng ahensiya, kelan, para ano, at magkanong halaga sila nanuhol. Pinapa-fill up ng form o video ang nanuhol, at nilalathala o pinapalabas ito sa Internet blog. Hinihikayat din iulat ang pagtanggi sa pangingikil, at ng mga insidente na hindi sila kinikilan.
Akma ang kampanya sa Pilipinas; dapat gayahin. Matagal nang sinasabi ni Eufemio Domingo, dating hepe ng Commission on Audit at Presidential Anti-Graft Commission, ang solusyon sa korapsyon: pahiyain sa tiwali.
Double standard daw ang trato ng mga Pilipino sa katiwalian: Galit na galit tayo sa katiwalian, pero ang hilig nating imbitahan ang mga tiwali sa ating mga binyagan at kasalan. Dapat daw iniisnab ang mga tiwali, at nilalayuan sa publiko. Mas masidhing parusa ang panlalait kaysa pagkulong. At ang “Nanuhol Ako” ay epektibong paraan.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com