EDITORYAL - Patuloy na pagpaslang sa mga mamamahayag

KAILAN hihinto ang pagpaslang sa mga mamamahayag? Kailan magiging ligtas ang mga mamamahayag na parang manok na binabaril?

Mahirap sagutin ang mga tanong. Ang Pilipinas ay itinuturing nang isa sa pinakadelikadong lugar sa mundo para sa mga mamamahayag. Nangu-nguna ang Iraq.

Ang pinaka-latest na biktima ng pagpatay ay si Jose Daguio, 75, radio commentator at columnist sa community newspaper sa Nueva Vizcaya. Nagpapakain ng kanyang aso si Daguio nang isang lalaking may shotgun ang pumasok sa kanyang bahay at binaril siya. Tinamaan si Daguio sa tagiliran. Mabilis na tumakas ang suspek. Isinugod sa provincial hospital si Daguio pero namatay din makaraan ang ilang oras. Si Daguio ang unang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration.

Sa panahon ni dating President Gloria Arroyo maraming mamamahayag na pinatay --- mahigit 100. Noong Nobyembre 23, 2009, mahigit 30 mamahayag ang pinatay sa Maguindanao. Ikokober nila ang pagpa-file ng kandidatura ng isang tatakbong governor sa Maguindanao pero maski sila ay hindi pinatawad at kasamang inihulog sa hukay ng 20 iba pa. Suspect sa pagpatay ang mga Ampatuan.

Tiyak nang ang mga pagbubulgar sa katiwalian ang dahilan nang pagpatay kay Daguio. Isang nasagasaan niya ang nag-hire ng mamamatay-tao para siya mapatahimik. Ngayong natahimik na si Daguio wala nang magbubulgar ng katiwalian.

Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay nararapat nang matuldukan. Protektahan ng bagong administrasyon ang mga mamamahayag. Utusan ni President Aquino ang mga awtoridad na bilisan ang paglutas sa krimen.

Pakilusin ang Department of Justice para mabilis na makasuhan ang mga sangkot sa krimen. Hindi na dapat masundan ang mamamahayag na si Daguio na kauna-unahang bumulagta sa ilalim ng Aquino administration. Protektahan ang mga mamamahayag.

Show comments