Mga bagay na napakahirap ipaliwanag, mga pangyayaring walang saysay… hindi maiwasang magtanong. Ang lahat dito sa buhay ay hiram lang.
Hindi matanggap ng mag-asawang nagpunta sa aming tanggapan ang isang anak na napakatagal nilang hinintay subalit napakabilis din namang siyang binawi.
Si Indoy ay nag-iisang anak ng mag-asawang Limpico. Mula pa sila sa bayan ng Palapag, Northern Samar ng magsadya sila sa aming tanggapan.
May edad ng nag-asawa si Isidro o ‘Sidro’ at Norma. Parehong ng wala sa kalendaryo ang kanilang edad ng sila’y magkakilala.
Gusto na ni Sidrong na bumuo ng pamilya at nakita niya kay Norma ang katangian ng isang asawang hinahanap niya… ina ng mga anak na gusto niyang magkaroon siya. Ang magulang naman ni Norma pilit ng pinag-aasawa ang anak dahil nga napag-iiwanan na ito ng panahon. Nagkontsaba ang magulang ni Norma at Sidro. Makalipas ang dalawang buwan, kinasal sila.
Aminado naman ang mag-asawa na hindi na sila bata ng sila’y magpakasal kaya’t hindi ganun kabilis na sila’y mabiyayaan ng anak. Kuwarenta na si Norma ng mabigla ang mag-asawa ng matuklasan nilang buntis itong si Norma.
“Surrender kaming mag-asawa. Hinanda na namin ang aming sarili na kami nalang ang haharap sa buhay. Lubos ang pasasalamat naming bago tuluyang mag-menopause si Norma nagkaroon kami ng anak,” wika ni Sidro.
Isang batang lalaki na pinangalanan nilang Romark at binigyan ng palayaw na Indoy. Ang batang ito ang nagbigay liwanag sa kanilang buhay. ‘Miracle baby’ ang tingin nitong si Norma at Sidro kay Indoy kaya’t ganun nalang ang atensyon at kalinga ng mag-asawa. Lumaking bibo si Indoy. Ang lahat ng gawin nito’y nagbibigay saya sa mag-asawa.
Nung Ika-21 Hulyo 2009, walong taong gulang na si Indoy ng mga panahon na yun… isang kalunus-lunos na pangyayari ang babagsak sa buhay ng pamilya Limpico. Alas-kwatro pasado ng hapon habang nagbibilad ng palay ni Norma pinuntahan siyang ng limang kaiskwela ni Indoy at ibalitang, “Aling Norma, si Indoy po naaksidente, Dali po aling Norma”.
Dali-daling dumiretso si Norma sa Doña Pomposa Elementary School. Hinanap ni Norma kung nasaan si Indoy. Nakita nalang niya ang anak sa ibabaw ng bubong. Natuklasan niya na nakuryente ang anak niya. Tarantang nagtatakbo si Norma upang hanapin ang janitor ng eskwelahan, kailangan mapatay ang switch.
Umasa siya na baka buhay pa ang anak niya at kaya pang mailigtas. Sa tulong ni Noriel naibaba nila si Indoy. Tumuntong sila sa balikat hanggang makaakyat sa bubong at maabot si Indoy.
Wala raw ni isang guro ang tumulong sa kanila. Nang maibaba na si Indoy, kinalong ni Norma ang kanyang kaisa-isang anak at ng makita niyang hindi na kumikilos ito at tila wala ng buhay niyakap niya ito ng mahigpit. Idinikit ang ulo sa kanyang dibdib at tumingala sa langit. Humagulgol si Norma at narinig niya ang sariling isinisigaw ang pangalan ni Indoy. Parang kulog na dumagundong ang tinig ni Norma na pumuno sa buong eskwelahan sa bawat sulok, pasilyo at pati sa silid aralan. Umalingawngaw ang hinagpis ng isang ina na nawalan ng anak.
Dinala nila si Indoy sa ospital upang pormal ito na maideklara na wala ng buhay ang anak. Hindi matanggap ng mag-asawa ang pagkamatay ni Indoy.
Inuwi na nila si Indoy sa kanilang tahanan upang dun iburol. Nag-imbestiga ang mag-asawa kung anong nangyari. Napagalaman nilang habang naglalaro’y napalakas ang hagis ng tsinelas at tumilapon ito sa bubong. Napansin ng kanyang mga kalaro na nag-umpisang mangisay si Indoy ng makaabot sa bubungan.
Tinanong ni Sidro ang janitor ng paaralan ukol sa nasabing kuryente. Magtagal na umanong may nakalaylay na putol na kawad ng kuryente dun, pagtatapat nito. Lalong sumama ang loob ni Sidro sa nalaman.
Nang mailibing ang anak agad siyang pumunta sa barangay upang ireklamo ang eskwela ipinatawag naman ng kapitan ang teacher-in-charge na si Fe Azanza at Adviser na si Cherry Fe Tan kasama ang iba pang mga guro.
Tinanong ni Sidro kung bakit di nila napagawa ang sirang kawad gayung alam pala ito ng janitor. Baluktot na sagot naman umano ang narinig niya mula sa mga guro, “Hindi na po namin hawak yan! Pagtuturo lang po ang sagot namin! Kayo nga po itong hindi marunong magdisiplina sa bata kaya’t umakyat sa bubong!”
Pumunta sa presinto ang mag-asawa kaharap ang mga guro subalit pati Hepe na si Isidro Capacio kumampi umano sa mga guro at sinabing, “Hindi naman kayo pwedeng magreklamo dahil hindi naman minu-minuto mababantayan ng mga guro ang anak ninyo,”.
Nang madinig nila ang sinabi ng pulis, humingi sila ng tulong sa isang abugado para ireklamo ang paaralan sa Department of Education (DepEd). subalit hanggang ngayon wala silang balita kung nai-file na nga ang kanilang reklamo at kung anong naging tugon ng DepEd.
Inere namin ang problema ng mag-asawang Limpico sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon).
Sinabi namin sa kanila na ang Dona Ponposa at school authority ay hindi lang dapat makasuhan sa DepEd. Maari din silang makasuhan ng kasong kriminal ayon sa ating Revised Penal Code para sa Reckless Imprudence Resulting to Homicide. Tinulungan namin sila na gumawa ng isang complaint affidavit para sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide at may kasamang damages para sa pagkamatay ni Indoy. Mabilis namang ginawan sila ng affidavit ng isang abugado Public Attorney’s Office (PAO) na si Atty. Randy Basa.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang eskwelahan ang tinaguriang pangalawang tahanan ng ating mga anak. Panatag ang ating loob na kapag nandun sila, sila’y nababantayan, nagagabayan at natuturuan ng mga guro. Buong loob nating ipinagkakatiwala ang ating mga anak sa kanila.
Maliwanag sa insidenteng ito wala nga ni nagbabantay sa mga paslit na estudyante habang sila’y nagbabantay sa school grounds dahil kung meron sana’y nasaway si Indoy sa kanyang pagpanik. Walang kakwenta-kwenta ang eskwelahan dahil pati janitor alam na may “open-live wire” na bibitin-bitin, na nakadikit sa bubong ng paaralan na yan. Kung ipinagawa nila yun e di sana buhay pa itong si Indoy. Kung totoo ang sinasabi nitong mag-asawa na sila pa ang sinisi ng eskwelahan at at Hepe ng pulisya? Ang kakapal ng mga mukha n’yo! Namatayan na ang mag-asawang ito sinisi n’yo pa at pinapaniwala na wala silang karapatan na magreklamo o maghabol dahil sa nangyari sa kanilang pinakamamahal na Indoy. Pasalamat nalang kayo na hindi isa sa inyo o mahal n’yo sa buhay ang nadikit sa kawad ng kuryenteng yun upang hindi n’yo madanas ang hapdi ng mawalan ng isang anak at ihatid ito sa kanyang huling hantungan.
PARA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinatawagan namin ng pansin ang Doña Pomposa Elementary School at ang Hepeng si Isidro Capacio. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Para sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: tocal13@yahoo.com