MAY NAGTIMBRE sa amin dito sa “CALVENTO FILES” na ang dahilan ng katakut-takot na sabit at bulilyaso sa Land Transportation Office (LTO) ay dahil sa hindi maayos na pamamalakad ng kanilang “computerization”.
Ang pagko-computerize ng mga records ng mga sasakyan at pati na rin ng mga “driver’s license” ay dapat ngang maisa-ayos at mas madali para sa ating mga kababayan subalit iba yata ang mga nangyayari dun.
“Mr. Calvento ang mga tao na nasa likod ng mga pamamalakad ng computers ay ang Stradcom Corporation. Paso na ang kanilang permiso para mamalakad ng mga computers subalit patuloy pa rin silang nag-ooperate. Marahil ito ang dahilan kung bakit palpak sila,” ayon sa aming source.
Isang kaibigan ang lumapit sa akin kamakailan, si Dennis Gonzalez na inerereklamo ang LTO dahil ng siya ay magre-renew ng kanyang lisensya sa pagmamaneho sabi sa kanya na “double license” daw siya.
Ayon sa kanilang computer kumuha daw siya ng panibagong lisensya nung 2006. Nagtataka siya kung paano maaring nangyari yun gayun nung 2008 nairenew pa niya ang lisensya niya.
Ang dahilan na ibinigay sa kanya ay nakita raw sa kanilang computer (na palpak) ang dobleng linsensyang ito. Parehong pareho ang mga detalye.
“Paano nangyari yun hindi naman ako nag-apply muli. Lalo naman hindi ako nahuli at kumuha ng panibagong lisensya. Pinapunta nila ako sa main office at makipag-usap sa legal department nila. Nasa East Avenue sila at ako ay taga Parañaque. Sobrang layo at abala. Dapat ayusin nila ang kanilang sistema ng computerization,” angal ni Gonzalez.
Nang aking kausapin ang hepe ng distrito ang sabi nito na hangga’t hindi nalilinaw sa kanilang legal department hindi sila maaring mag-renew ng lisensya ni Gonzalez.
Ang ibig sabihin nito hindi maaring magmaneho itong pobreng taong ito dahil kapag siya ay nasita o nahuli hindi lamang iisa ang violation niya kundi mas mabigat na driving without license pa siya. Ano ba yan? Siya na ang sumusunod sa batas ng pagre-renew ng lisensya kailangan pa siyang mag-antay ng ilang linggo dahil sa bulok na pamamalakad ng computerization ng STRADCOM CORPORATION sa LTO si Cesar T. Quiambao ang namumuno nito.
Ang Stradcom ang parehong kumpanya na nag-aalok na tumanggap ng Radio Frequency Identification Project, (RFID) para sa LTO.
“Mabuti nga’t nasuspinde ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng kontrobersyal na RFID na proyekto na yan dahil maaring itong gawin kasangkapan para manipulahin ang LTO para sa sarili nilang kapakanan. Maliban pa dun lumalabas na labag ito sa karapatan pantao o sa Konstitusyon kung saan maaring mamonitor ang kilos ng isang tao,” ayon pa rin sa parehong source.
Nung una akala ko na sa mga lisensya sa pagmamaneho lang may malasadong nangyayari hanggang napag-alaman ko na pati sa pagpaparehistro ng sasakyan meron din.
Nabalitaan ko ang isang nakakapangambang karanasan ng kapwa kong media. Nang magpunta siya sa Land Transportation Office, (LTO) para magpa-renew ng rehistro ng kanyang sasakyan sinabi sa kanya na ang orihinal na registration data ay hindi mahanap sa computer memory ng LTO gayong ang expired niyang registration certificate at ang opisyal na resibo nito ay valid.
Umabot ang LTO ng sampung araw bago ma-renew ang rehisto ng kanyang sasakyan.
Nakakaalarma ito dahil kung ninakaw pala ang kanyang sasakyan bago maparehistrong muli wala siyang katibayan na kanya ang sasakyan bago ito manakaw.
Kung ang PNP Highway Patrol Group ay pupunta sa LTO para i-check ang orihinal na rehistro wala silang makikitang records sa computer ng LTO.
Inaasahan ng marami na ang LTO ay may sapat na records na nakatago sa tamang lugar lalo na’t computerize na ang operasyon ng LTO sa loob ng maraming taon.
Hindi na ako lalayo pa dahil isang kamag-anak ko mismo ang nagparehistro ng kanyang sasakyan at natuklasan niya ang kanyang Toyota Corona Super Saloon ay may kadobleng plaka. Ang ginawa ng Las Piñas LTO ay nilagyan na lamang ng letra A yung kaparehong sasakyan. Ito ay nangyari nung year 2000.
Ang Stradcom Corporation ang nagpapalakad ng computerization mula pa nung 1998. Isang taga Philippine National Police, (PNP) ang nagbulong sa amin ng magulong sistema ng LTO computer system. Hindi na kaduda-dua kung bakit maraming nangyayaring carnapping ngayon.
Ang sampung taong kontrata ng Stradcom para sa operasyon ng LTO ay tapos na nung 2008 subalit bakit hanggang ngayon ay patuloy pa ring nag-ooperate ang mga ito? Si Quiambao kaya ay ‘untouchable’ sa LTO kaya’t patuloy ang pag-operate nito sa LTO kahit walang ‘valid contract’?
Bakit hindi mapatigil ang Stradcom Corporation, ang kumpanya na namamahala ng computer system ng Land Transportation Office, (LTO) gayong dalawang taon na dapat tapos ang kanilang kontrata sa LTO ay patuloy pa rin ang paghawak nila sa ahensiya?
Base sa aming source ang pagkuha ng illegal na rehistro ng sasakyan ay madali lang.
“Ang kailangan lang gawin ay bayaran ang Stradcom encoders at ang tao sa LTO ng pera at ayos na. Maari ng marehistro ang kotse. Meron ngang sistema kung saan ang isang kotse ang address ng may-ari ay sa Pasig nakatira subalit sa malayong lugar ng Mindanao inerehistro ang sasakyan at may kaparehong plaka na”, ayon sa source.
Napabalita na itong si Quiambao ay ginagawa ang lahat para panatilihin ang Stradcom sa LTO at natatarantang kumuha ng koneksyon sa bagong administrasyon na mangangasiwa pagkatapos ng darating na eleksyon ngayong May 10, 2010.
Para sa kapakanan ng milyun-milyong motor vehicles owners kailangan magkaroon ng patas at malinaw na imbestigasyon tungkol sa patuloy na operasyon ng Stardcom sa LTO.
Ang pag-iimbestiga ng kongreso ay isang magandang unang hakbang para malaman kung sino ang mga nasa likod ng hindi maasahang computer system sa LTO.
Kami ay umaasa na ang susunod na Presidente ng ating bayan ay merong “political will” upang linisin ang bawat sangay ng gobierno para mawala na ng tuluyan ang korupsyon.
PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinatawagan namin si Cesar T. Quiambao o ang mga opisyales ng Stradcom para magbigay ng kanilang panig.
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 maari din kayong tumawag 6387285. Maari din kayo magpunta sa aming tanggapan 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com