EDITORYAL - Hindi magandang tingnan pulis na malaki ang tiyan

SI dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y senador Panfilo Lacson ang unang nag-utos noong 2000 na magbawas ng timbang ang mga pulis para magampanan ang kanilang tungkulin. Sa direktiba ni Lacson, sasailalim sa training ang mga pulis na may mala-laki ang tiyan. Kapag bumagsak sa examine kukuhang muli. Dapat ang mga pulis ay hanggang 34 inches lamang ang waist line. Kapag tumaas pa sa 34, sasailalim na sa training ang pulis. Ang kautusang iyon ni Lacson ay nagbunga nang maganda sapagkat maraming pulis ang nagkaroon ng postura sapagkat nawala ang bundat na tiyan. Kasabay sa pagkawala ng tiyan ay ang pagdisiplIna rin naman ni Lacson sa mga “kotong cops”.

Ilang PNP chief pa ang naupo subalit hindi napagtuunan ng pansin ang masamang katawan ng mga pulis. Kaya ang naging resulta ay balik na naman sa masamang postura ang mga pulis. Nagsitabaan at hindi na maibotones ang uniporme kaya ang ginagawa ay binibitbit na lamang. Masamang tingnan na ang mga pulis ay hindi nakauniporme nang maayos. Paano nga maisusuot nang maayos ang uniporme e hindi magkasya.

Ang mga ganitong problema ang nakita ni PNP chief Dir. General Jesus Verzosa kaya ipinag-utos niya kamakalawa na mag-diet ang mga pulis lalo na ang mga may ranggong superintendent, chief superintendent at deputy director general. Marami na umanong heavy weight na pulis kaya panahon na para sila mag-diet at nang mabawasan ang timbang.

Tama lamang ang direktibang ito ni Verzosa para naman maging maganda ang imahe ng PNP. Kung ang mga pulis ay maganda ang porma at walang bundat na tiyan, nakadadagdag ito sa pagtingin ng mamamayan. Isang magandang ha­limbawa si Verzosa sapagkat trim na trim siya at walang bilbil. Dapat maging katulad niya ang mga pulis para makaganap ng tungkulin na magsilbi at magprotekta sa mamamayan.

Show comments