NAGLABAS na ng rekomendasyon ang Senate Blue Ribbon Committee sa anomalyang ZTE/NBN. Matapos ang higit dalawang taong imbistigasyon, nirekomenda ng komite na kasuhan ang lahat ng may kinalaman sa naturang anomalya, kasama ang mag-asawang Arroyo, sina Benjamin Abalos Sr. at Romulo Neri, mga tauhan ng DOTC tulad ni Leandro Mendoza, Elmer Soneja at Lorenzo Formoso, si Lito Atienza ng DENR, Deputy Executive Secretary Manuel Gaite, pati rin mga humarap para isiwalat ang nasabing kontrata katulad nila Joey de Venecia III at Jun Lozada. Sa madaling salita, lahat ng may kaugnayan sa ZTE/NBN. Dapat daw imbistigahan at kasuhan ng Ombudsman ang mga nasabing tao.
Pero natatandaan ninyo ang resulta naman ng im-bestigasyon ng Ombudsman ukol sa nasabing kontrata. Inabsuwelto nila ang mag-asawang Arroyo, pati sina De Venecia at tauhan ng DOTC. Hindi raw pwedeng kasu-han ang Presidente dahil immune siya sa prosekyusyon. Ano kaya ang gagawin ng Ombudsman ngayong rekomendado ng kasuhan ang mga inabsuwelto nila? Ano na ang mangyayari kay Lozada, na siyang nagsiwalat nang maraming detalye ukol sa ZTE/NBN? Hindi na nga naging normal ang kanyang buhay dahil sa ginawa niya, at ngayon kakasuhan pa! Hindi naman kasi siya isang Chavit Singson na nagpahayag na magpapakulong din siya kung makukulong si President Estrada, pero nung nangyari na nga iyon ay umalyado na sa kasalukuyang administrasyon, at malaya!
At gaano naman kaya katagal aabutin ang kasong ito? Baka tatlong administrasyon na nakalipas, wala pa ring mangyari sa mga may sala! Malalakas at mayaya-man ang mga taong ito, maliban na lang siguro kay Lozada. Sa bansa natin, ang batas at hustisya ay nabibili ng pera at takot. Habang nasa poder ang mga iyan, o may kilalang nasa poder, walang mangyayari sa kasong iyan, lalo pa’t nandiyan pa ang kasangga nilang Merceditas Gutierrez! Maganda itong nasimulan ng Senado. Pero sino ang magtatapos? O baka ang mas mahalagang tanong, kailan ito matatapos at may makukulong na? Kung uupuan lang ng Ombudsman, walang saysay ang magandang balitang ito. Parang pinaasa lang ang mamamayan na magkakaroon na ng katarungan!